Linggo, Enero 9, 2022

Pag-asa

PAG-ASA

isang marubdob na pakikiisa sa Partido
Lakas ng Masa na sa ngayon ay nagpapatakbo
ng kandidatong manggagawa sa pagkapangulo,
bise presidente at tatlo para sa senado

ating ipanalo ang Partido Lakas ng Masa
sa partylist, at biguin ang mga dinastiya
Manggagawa Naman ang iluklok sa pulitika
sila'ng dahilan kaya umunlad ang ekonomya

ibabagsak natin ang mga trapong mapagpanggap
mga kandidato ng kapitalistang mahayap
na sa manggagawa't dukha'y di naman lumilingap
kaya ang mga ito'y patuloy sa paghihirap

ah, pag-asa ang sa Partido'y aming natatanaw
na sa kabulukan ng sistema'y siyang lulusaw
pagbabago't lipunang makatao ang lilitaw
na siyang ating adhikain sa bawat pag-igpaw

- gregoriovbituinjr.
01.09.2022

* selfie ng makatang gala sa tapat ng tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Pasig

Paracetamol

PARACETAMOL

kahindik-hindik na balitang umabot sa masa
wala nang mabiling paracetamol sa botika
nagkakaubusan, paano ngayong maysakit ka
ubo't nilalagnat, sana'y di COVID iyan, iha

sa usaping supply and demand, tataas ang presyo
ng produktong kulang sa suplay na nais ng tao
kung sobra ang suplay, dapat magamit ang produkto
ay tiyak na magmumura naman ang presyo nito 

lalo ngayong omicron variant daw ay lumalala
at mas matindi pa raw sa ibang virus ang taya
kaya sa mga botika ang mga tao'y dagsa
nang makabiling gamot sa sakit na nagbabadya

di natin masisisi kung mga tao'y dagsaan
lalo sa balitang gamot ay nagkakaubusan
dahil iyon ay mayor nating pangangailangan
upang buhay ng pamilya'y agad masagip naman

sana'y walang mag-hoarding ng mga produktong iyon
ilalabas saka ibebentang mas mahal yaon
bulsa ng kapitalista'y tiba-tiba na roon
dapat parusahan ang gagawa ng krimeng iyon

- gregoriovbituinjr.
01.09.2022

* balitang halaw sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon, Enero 5, 2022, pahina 2

Lansangan

LANSANGAN

madalas kong tahakin ang aspaltadong lansangan
na sa tuwina'y mabibilis yaong mga hakbang
animo'y hinahabol ng mga sigbin at aswang
habang nangangamoy asupre yaong lupang tigang

di ko mawari sinong sa akin ay sumusunod
tatambangan ba dahil sa bayan ay naglilingkod
dahil ba ako'y isang masugid na tagasunod
bilang aktibistang sa rali raw sugod ng sugod

ngunit payapa pa rin akong sa daan tumawid
panatag ang loob na sa dilim di mabubulid
habang samutsaring isyu ng bayan ay di lingid
patuloy ang pagbaka habang nagmamasid-masid

dapat pandama'y patalasin at laging ihasa
upang maging handa sa mga daratal na sigwa
lalagi akong kakampi ng uring manggagawa
habang tinatahak ang landas ng kapwa dalita

- gregoriovbituinjr.
01.09.2022