Biyernes, Oktubre 8, 2021

Pula

PULA

biglang nauso sa pesbuk ang pink o kalimbahin
kaya di na masasabing dilawan ang imahen
ng balo ng lider na anong galing at butihin
na tumatakbo upang mamuno sa bayan natin

habang nais kong pintahan ng pula ang paligid
bilang kaisa ng manggagawa nating kapatid
dahil kapwa nila manggagawa'y nais mapatid
ang sistemang bulok ng mga dinastiya't ganid

ang sigaw ng mga obrero: "Manggagawa Naman!"
tumatakbong pangulo si Ka Leody de Guzman
at Atty. Luke Espiritu, senador ng bayan
oo, Manggagawa Naman sa ating kasaysayan

lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP ang dalawang magigiting na ito
na ipinaglaban ang mga isyu ng obrero
akong naging istap ng BMP'y saksing totoo

kaya ako'y naritong kaisa sa minimithi
ka-kapitbisig ng manggagawa bilang kauri
upang sistema ng mga trapo'y di manatili
dati rin akong manggagawa, talagang kalipi

manggagawa ang dahilan ng mga kaunlaran
umukit ng mundo't ekonomya ng bayan-bayan
kung wala sila'y walang tulay, daan, paaralan,
walang gusaling matayog, Simbahan, Malakanyang

kaya aking ipipinta ang matingkad na pula
kaysa malabnaw na kulay,  kalimbahin ng iba
ang nais ko'y lipunang walang pagsasamantala
ng tao sa tao dulot ng bulok na sistema

pula sa ating bandila'y tanda ng kagitingan
at di pagsirit ng dugo, digmaan, kamatayan
pulang tanda ng pag-ayaw sa mga kaapihan
tulad ng ginawa ng mga bayani ng bayan

- gregoriovbituinjr.
10.08.2021

Talinghaga

TALINGHAGA

malasa pa ba sa dila ang mga talinghaga
habang naririto't nagpapagaling sa hilaga
habang sa hangin ay lutang ang amoy ng nilaga
habang tinitiyak na naiinitan ang baga

anuman ang lasa ng talinghagang nalilirip
ito ma'y asukal sa tamis o apdo sa pait
dapat kahit maysakit ay wasto ang naiisip
at di napupunit tulad ng damit na gulanit

ako'y langay-langayan sa Pulo ng Makahiya
pinamumunuan ang kawan ng laksang kawawa
na nais maghimagsik laban sa trapong kuhila
pagkat nagdala ng salot na dapat lang mapuksa

bakit agila ang sa mga isda'y mamumuno
tanong ng pipit at mayang tila magkalaguyo
bakit trapong nahalal ay balimbing at hunyango
may kapayapaan ba kung pag-ibig ay maglaho

ano ang talinghaga sa kwento ng maglalatik
kung may makatang lagi nang nakaapak sa putik
maiging nasusulat, talinghaga'y natititik
upang sa bungad pa lang ng akda'y nakasasabik

- gregoriovbituinjr.
10.08.2021

Ang kasabihan sa notbuk

ANG KASABIHAN SA NOTBUK

anong gandang kasabihang sadyang kakikiligan
sa pabalat ng notbuk ni misis, ay, kainaman
di tulad ng kwaderno kong pabalat ay itim lang

"Love is the great medicine of life," kaysarap mabasa
"Pag-ibig ang dakilang lunas ng buhay," kayganda
siyang tunay, pag may pag-ibig, tiyak, may ligaya

isang pangungusap lang subalit puno ng buhay
tila di mo ramdam ang anumang sakit at lumbay
dama mong anumang problema'y kakayaning tunay

salamat sa paalala sa munti niyang notbuk
upang bumangon mula sa sakit at pagkalugmok
inspirasyong sa uhaw ay tubig na malalagok

O, ang pag-ibig nga'y bukayo pag iyong ninamnam
pagkat lunas sa sakit at anumang dinaramdam

- gregoriovbituinjr.
10.08.2021

* mula sa karaniwang sonetong may taludturang 4-4-4-2 tulad ng Shakespearean at Petrarchian sonnet, ang nilikha ko'y may taludturang 3-3-3-3-2
* ang soneto ay tulang may labing-apat (14) na taludtod