Miyerkules, Setyembre 1, 2021

SUOB pala ay steam inhalation



SUOB PALA AY STEAM INHALATION

SUOB, bagong salitang natutuhan ko lang ngayon
ngunit salitang lalawiganin marahil iyon
sagot nina Pinsan at Utol: steam inhalation
upang mag-ingat ang lahat at naiwan pa roon 

lalo't tatlong kamag-anak ang agarang namatay
dahil sa COVID ay di napapanahong nahimlay
nagbuo ng grupo sa fb doon nagtalakay
nag-usap-usap, anong gagawin, maging matibay

magpipinsan ay nag-usap at nagtutulong-tulong
binabasa anumang napag-uusapan doon
at magSUOB daw upang katawan ay may proteksyon
laban sa virus na di makitang kalaban ngayon

bilin sa mga kaanak, mag-ingat-ingat pa rin
bilin ay SUOB, magmumog ng tubig na may asin
magpainit ng tubig, usok niyon ay langhapin
dapat may twalya upang usok sa'yo papuntahin

salamat, SUOB pala'y termino sa kalusugan
salin ng steam inhalation sa wika ng bayan
lokal mang salita sa pinagmulang lalawigan
ni ama, ay gagamitin ko na sa panulaan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

* ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang suob sa ikatlong depinisyon ay "pagkulob at pagpapausok sa maysakit, p. 1186

Balantukan

BALANTUKAN

nakangiti ngunit naghihirap ang kalooban
pilit tinatago ang sugat na nararamdaman
kunwari'y masaya pag siya'y kaharap mo naman
minsan, makwento, madalas tahimik, siya'y ganyan

nang masawi sa pag-ibig, kunwa'y di apektado
dinadaan lang sa tawa ang pagkabigong ito
subalit tuwing gabi'y inom doon, toma dito
animo ang nalasap na pagkabigo'y seryoso

tila sugat na balantukan ang kanyang kapara
akala'y naghilom sa labas ngunit sariwa pa
ang sugat sa loob kahit kita mong nagpilat na
sa kabila ng lahat, nakangiti pa rin siya

ilan sa atin ang ganyan, tinatago ang hapdi
o sakit na nararamdaman at nakakangiti
pagkabigo ba'y tanggap na't magbabakasakali
sa ibang kandungan, dama pa man ang pagkasawi

payo sa kanya'y marami pa namang babae
baka makahanap ng bago't muling dumiskarte
sinunod niya ang payo kaysa siya'y magbigti
at mahahanap din ang iibig na binibini

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

Panapin-sa-init

PANAPIN-SA-INIT

kabibili ko lang ng tatlong pot holder kahapon
nabili ko'y tatlo bente singko, mura na iyon
matagal ko ring planong pot holder ay magkaroon 
nang makita lang sa bangketa'y napabili doon

tatlong pot holder, panapin sa kalderong mainit
maprotektahan ang kamay, iwas-paso ang hirit
kaysa basahan o rug ang gamit laban sa init
basahan na, pamunas pa, nakakalitong gamit

ang mga Asyano'y mahilig kumain ng kanin
bakit ba pot holder ay walang katumbas sa atin
bagamat may mungkahi ang mga kapatid natin
ang tawag nila sa pot holder nang aking tanungin

tungkulin ng makatang kilanlin ang tawag dito
sa ating wika kaya dapat magkaisa tayo
sossopot sa Kalinga, apuro sa Ilokano
iba naman ang gikin na patungan ng kaldero

panapyo, pansapyo, panaklot o kaya'y pangsikwat
salitang ugat ng panaklot ay daklot, pangsunggab
ang kahulugan naman ng sikwat ay pag-aangat
ano sa panapyo, sapyo, dapyo, hanapin lahat

kaldero'y wikang Espanyol nang aking saliksikin
subalit sariling wika ang kanin at sinaing
Ingles ang pot holder na sa mainit ay panapin
anong katutubong tawag ay magkaisa man din

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

Tapos na ang Agosto

TAPOS NA ANG AGOSTO

tapos na ang Agosto, ang Buwan ng Kasaysayan
at Buwan ng Wika, ngunit patuloy pa rin naman
kaming tagapagtaguyod ng wika't kasaysayan
sa aming layon at tungkuling magsilbi sa bayan

upang paunlarin pa ang ating sariling wika
at sa tula'y ihayag ang katutubong salita
maging ito man ay lalawiganin o kaya'y luma
kaya patuloy sa pagkatha ang mga makata

binabasa't inaaral ang talahuluganan
o mga diksiyonaryong kayraming malalaman
baka may salitang sa diwa'y manggigising naman
o salitang di pa batid ng mga kabataan

tapos na ang Agosto, ngunit kayraming gagawin
magsaliksik, magsuri, magbasa, magsulat pa rin
upang ating wika't kalinangan ay paunlarin
habang sa kalye'y nakikibaka pa ring taimtim

iyan ang tungkuling tangan ng tulad kong makata
sa wika, kasaysayan at kalinangan ng bansa
habang nakikibaka kasama ng mga dukha't
maitayo paglaon ang lipunang manggagawa

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021