Miyerkules, Disyembre 3, 2025

Naharang bago mag-Mendiola

NAHARANG BAGO MAG-MENDIOLA

naharang bago mag-Mendiola
matapos ang mahabang martsa
mula Luneta sa Maynilà
araw ng bayaning dakilà

subalit di kami natinag
mahaba man yaong nilakad
mga barb wire ang nakaharang
container pa'y nakahambalang

takot na ang mga kurakot
bantay saradong mga buktot
habang masa'y nagsidatingan
kurakot, ikulong! hiyawan

"PNP, protektor ng korap!"
at mga trapong mapagpanggap
sigaw iyon ng masang galit
mga kurakot na'y ipiit

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* bidyo kuha noong 11.30.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1GYjGbj1yK/ 

Buti't may tibuyô

BUTI'T MAY TIBUYÔ

kulang ang pamasahe kahapon
mula Cubao patungong Malabon
upang daluhan ang isang pulong
buti't nagawang paraan iyon

di ako nanghingi kaninuman
di rin nakabale sa sinuman
talagang walang mahihiraman
buti't mayroong mapagkukunan

sa aking tibuyô o alkansya
na pinag-iipunan tuwina
doon muna nanghiram ng pera
dagdagan na lang pag umalwan na

minsan ganyan ang abang makatâ
upang marating pa rin ang madlâ
sa pulong na dinaluhang kusà
di umabsent sa misyong dakilà

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* ang tibuyô ay salitang Batangas sa Kastilang alkansya

Paglahok sa rali

PAGLAHOK SA RALI

bakit di ka pupunta sa rali?
dahil lang wala kang pamasahe?
kung ako, sisimulang maglakad
nang makarating at mailadlad
ang plakard na laman yaong isyu
ng bayan, at makalahok ako
sa rali, wala mang pamasahe
gagawan ng paraan, ganire
o ganyang sanhi, walang alibay
lalakarin ang mahabang lakbay
mahalaga ang prinsipyong tangan
pamasahe'y gawan ng paraan
mahalaga'y lumahok sa rali
kahit kapos pa sa pamasahe
ikulong na 'yang mga kurakot!
lahat ng sangkot, dapat managot!

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* kasama sa litrato si David D'Angelo, dalawang beses na tumakbong Senador
* salamat sa kumuha ng litrato, kuha noong 11.30.2025 sa Luneta

Bahâ sa Luneta, 11.30.2025

BAHÂ SA LUNETA, 11.30.2025

bahâ sa Luneta
ng galit na masa
laban sa kurakot
at lahat ng sangkot

bumaha ang madlâ
upang matuligsâ 
yaong mga buktot
na nangungurakot

sa kaban ng bayan
imbes paglingkuran
ang masa, inuna
ay sariling bulsa

ikulong ang lahat
ng trapong nabundat
sila'y panagutin
sa ginawang krimen

ang nakaw na pondo
ibalik sa tao
trapong mandarambong
ay dapat ikulong

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* ang litrato'y kuha ng makatang galâ