Huwebes, Enero 26, 2023

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO

pawiin natin ang sistemang di makatao
pagkat iyan ang dahilan ng maraming gulo
hindi na ba iiral ang pagpapakatao?
aanhin ba natin ang kayamanan sa mundo?

manghihiram lang ba lagi tayo ng respeto
sa kayamanan kaya nang-aangkin ng todo?
wala na bang puwang ang pagiging makatao
kaya nais lagi'y may pag-aaring pribado?

dinadaan lagi sa digmaa't kayamanan
ang mga usapin, tingnan mo ang kasaysayan
na dulot, imbes kaunlaran, ay kamatayan
imbes magpakatao'y nakikipagdigmaan

di na makuntento sa kung ano ang mayroon
aanhin mo ang yaman? para maghari ngayon?
para lamang tawagin kang isang panginoon?
at mamamatay ka lang pagdating ng panahon!

- gregoriovbituinjr 
01.26.2023

Huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako

HUWAG NINYONG HANAPIN SA AKIN ANG HINDI AKO

huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako
at ako'y hubugin sa kung anong kagustuhan n'yo
hinahanap ninyo sa aki'y ibang pagkatao
ang matagumpay na negosyante o asendero

nagpapatakbo ng kumpanyang limpak kung kumubra
na tingin sa obrero'y hanggang kontraktwal lang sila
masipag na kalabaw ang tingin sa magsasaka
na bigay ninyong sahod ay mumo lang, barya-barya

na ang trato sa mga maralita ay alipin
na ang tingin sa mga dukha'y pawang palamunin
di kaya nitong budhi ang inyong mga pagtingin
ang hindi ako'y huwag ninyong hanapin sa akin

tanggap kong isa lang akong hamak na mamamayan
ngunit prinsipyado't may taglay na paninindigan
nahanap ko na ang aking lugar sa ating bayan
landas kong pinili sa harap man ni Kamatayan

kumikilos akong tibak ng uring manggagawa
at isang mandirigma ng hukbong mapagpalaya
ito ako, iyan ako, sana'y inyong unawa
di n'yo mababago ang pagkatao ko't adhika

- gregoriovbituinjr.
01.25.2023