MAKULAY ANG ALON NG PAGSINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
makulay ang alon ng pagsinta
yaring puso ang kinikilala
pinahihinog muna ang bunga
dahil mapakla kapag bubot pa
pagsinta'y di aring ikalburo
tulad ng mangga sa uniberso
na tinititigan ng kuwago
pagkat baka bansot ang matamo
nakadadarang ang iwing apoy
lalo na't sa puso nananaghoy
matikas ay nagiging palaboy
nang namunga na'y agad naluoy
sinisipat ko ang kanyang ningning
wala na siya sa toreng garing
doon sa mapusyaw gumigiling
siyang tinamaan ng magaling
pagka umaga'y inat ng inat
sa pag-aaksaya'y di maawat
sa pawis ng obrero'y nabundat
at binti niya'y pinupulikat
sinong sa kanya'y tamang humatol
ibubunga ba ng mangga'y santol
mag-isang nagmumuni sa kubol
di alam kung kanino hahabol