Sabado, Abril 28, 2012

Tularan ang Banig, Di ang Walis



TULARAN ANG BANIG, DI ANG WALIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang tingting ay walang lakas kung nag-iisa
ngunit nakakawalis pag marami sila
ganoon din sa kapatirang sama-sama
ramdam mo ang lakas pagkat nagkakaisa

ngunit di kusa ang pagkakaisang ito
may labas sa kanilang nagbibigkis dito
sa walis ay may taling sumakal ng todo
di magkakaisa pag tali'y kinalag mo

tibay nito'y dahil sa taling gumagapos
may taling sa kanila'y tila bumusabos
pag tali'y nawala, kalag na sila't tapos
wala nang kaisahan ang kanilang ayos

kung may alegoryang dapat nating tularan
bilang tanda ng pagkakaisa ng bayan
piliin na ang banig na may kaisahan
walang taling nagbigkis, hibla'y nagyakapan

mula sa pagkakaayos at pagkaplano
sadyang pinag-aralan ang buong disenyo
bawat hibla nito'y magkayapos ng todo
tulad ng samahang nagkaisang totoo

butasin man ang banig, magkayapos pa rin
di agad masira kanila mang pilitin
pagkakaisa nila'y hirap mong gipitin
bawat banig ay tandang kayhirap buwagin

tulad ito ng samahang ating tinayo
may isang simulain kaya ito'y buo
mahirap man, puno ng sakripisyo't dugo
hanggang dulo, sinumpaa'y di maglalaho

huwag gayahin ang walis, tulara'y banig
na ang bawat hibla'y tunay na magkaniig
unawa ang layon, nagkakaisang tindig
sadyang magkapatid sa ulo, puso't bisig