Sabado, Abril 17, 2021

Di ko madalumat ang talinghaga

di ko madalumat ang talinghaga
narinig ngunit di ko maunawa
kaya naroong napapatunganga
tila may panganib na nakaamba

may malaking unos bang paparating
bakit gitara'y di tumataginting
barya sa tibuyo'y kumakalansing
bakit nauso muli ang balimbing

maraming haka-hakang malalabnaw
mag-ingat sa dengge't maraming langaw
nagdidilim kahit araw na araw
titigan daw ang buwan, may lilitaw

may sinabi ang matandang makata
nang makahuntahan niya ang mada
bakit mga bulok ay nanariwa
bakit walang muwang ang bumulagta

isang balimbing ang nagtalumpati
partido raw nila ang magwawagi
ngingiti-ngiti lang ang mga pari
tila mga prayleng handang maghari

naglabasan muli ang mga ahas
tanda na bang uulan ng malakas
o muling maghahari ang marahas
na turing sa mamamayan ay ungas

ang talinghaga'y di ko maunawa
subalit sugat ay nananariwa
ngunit maghanda't parating ang sigwa
may pag-asa, huhupa rin ang baha

- gregoriovbituinjr.

Malayo man ay malapit din

malayo man ay malapit din
nalilipad pa rin ng lawin
ang malalayong papawirin
habang masid ang panginorin

O, kaytamis ng kanyang ngiti
kaya lagi kong binabati
at dapat pinapanatili
ang komunikasyong palagi

nakatingala sa kawalan
ang makatang gala ng bayan
paano kaya kung umulan
aba'y sumilong sa tahanan

sa ngayon, bawal magkasakit
mahirap bumabad sa init
tatadtarin ka na ng anghit
mangingitim ka pa't papangit

aniya, laging may pag-asa
habang may buhay sumisinta
matamis ang bawat panlasa
kung walang pait sa bituka

malayo man ay mararating
basta walang sakit, magaling
upang ialay yaring sining
at siya'y muling makapiling

- gregoriovbituinjr.

Tula sa diksyunaryo

TULA SA DIKSYUNARYO

sa panahon ng lockdown ay kaytagal kong kasangga
dahil maraming salita roong aking nabasa
at nagamit sa pagkatha ng mga alaala
kaya saknong at taludtod ay inalay sa masa

maraming di ko alam subalit sinasalita
na nang aking mabasa'y isinama ko sa tula
mga kahulugan ay akin nang sinasadiwa,
sinasapuso, sinasabuhay, para sa madla

salamat, Diksyunaryong Filipino-Filipino
nariyan ka sa panahong tila mabaliw ako
pagkat kwarantina'y nakakawala ngang totoo
ng katinuan ng laksa-laksang tao, tulad ko

dahil sa iyo'y nakatula ako ng matagal
sa panahong kayraming ulat ng nagpatiwakal
salamat sa iyo't di naging manunulang hangal
kundi napagtanto kong pagtula'y gawaing banal

diyata't napasok ko maging gubat na mapanglaw
at nakasagupa rin ang sangkaterbang halimaw
tusong prayle'y nailagan nang latigo'y hinataw
salamat sa diksyunaryo, ikaw ang aking tanglaw

- gregoriovbituinjr.

Sagipin si Inang Kalikasan

naaalala ko ang tamis ng pag-iibigan
ng kabalyero at ng diwata ng kagandahan
animo'y asukal ang kanilang pagtitinginan
lalo't kanilang puso'y tigib ng kabayanihan

nais nilang si Inang Kalikasan ay masagip
mula sa kagagawan ng tao, di na malirip
pulos plastik at upos ang basurang halukipkip
tila magandang daigdig ay isang panaginip

kaya nagpasya ang dalawa, mula sa pag-ibig
tungo sa pangangalaga ng nagisnang daigdig
bawat isa'y dapat magtulungan at kapitbisig
mga nagdumi sa paligid ay dapat mausig

magandang daigdig ay kanilang tinataguyod
habang basura't upos sa aplaya'y inaanod
dapat kumilos, baguhin ang sistemang pilantod
bago pa sa laksang basura tao'y mangalunod

- gregoriovbituinjr.

Nakatulala sa kawalan

NAKATULALA SA KAWALAN

nakatulala sa kawalan
at naglalakbay ang isipan
lumilipad sa kalawakan
sinisisid ang karagatan

nakatalungko ang makata
doon sa tinahanang lungga
karanasa'y sinasariwa
at kanyang inaalagata

iwasan ang coronavirus
ang naiisip niyang lubos
huwag maospital, magastos
sa bahay lang nakakaraos

di makalabas ng tahanan
ang palengke'y di mapuntahan
walang mabilhan ng agahan
o kahit ng pananghalian

bumili muna ng delata
buti't mayroon pa ring pera
katulad din siya ng iba
walang natanggap na ayuda

huwag lang salsalin ng gutom
kahit kaunting maiinom
ang bibig ay naroong tikom
habang kamao'y nakakuyom

pulos tanggalan sa trabaho
naging kontraktwal ang obrero
ah, pakana ng kapitalismo
sa panahong ni-lockdown tayo

naroroong nakatunganga
lilikha na naman ng tula
wala na bang kayang magawa
habang manggagawa'y kawawa

di makatao ang sistema
pulos tubo ang nagdidikta
walang panlipunang hustisya
sistemang ito'y palitan na

- gregoriovbituinjr.