Sabado, Agosto 11, 2012

Bagabag sa Gunita


BAGABAG SA GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

i
maghapong tunganga yaong taong grasa
na nababagabag sa pag-aalala
tunay na pamilya kaya ay kumusta
katinuan niya'y tila nagbalik na

higit nang dekada nang siya'y iwanan
ng asawa't anak, ng pamilyang tanan
sa kanya daw sayang ang kinabukasan
hanggang sa mawala yaong katinuan

anong magagawa ng pagiging tamad
buhay-hari siya't sa tomaan babad
dakilang sugarol, ngayo'y sawimpalad
tila mga agiw, sa utak sumayad

siya'y walang alam kundi tumambay lang
sa kanyang pamilya'y walang pakialam
ayaw magtrabaho, gusto'y sumuso lang
magdroga't iraos libog ng katawan

nagunita niya yaong kulasisi
sa kanyang asawa'y ipinagmalaki
tila siya'y bwisit sa kanyang sarili
pagsisisi'y sadyang laging nasa huli

nawalan ng landas, wala nang direksyon
maibabalik ba ang maling kahapon
nabubuhay ngayon sa kutya't linggatong
mamamatay siyang basta lang ba gayon

ii
litrato sa pader ay napatunganga
anya'y mabuti ka't walang krimeng gawa
nabubuhay ka lang na nakatulala
wala kang inapi't hinamak na madla

Larawan kuha ni Teni Sta. Ines ng grupong Litratista sa Daan