Lunes, Disyembre 1, 2025

Dating plakard, petsa lang ang binago

DATING PLAKARD, PETSA LANG ANG BINAGO

dating plakard na gamit ng Nobyembre
na binago lang, ginawang Disyembre
di pa rin nagbabago ang mensahe
ikulong na ang korap na salbahe

wala pa kasing napaparusahan
na nangurakot sa pondo ng bayan
baka Pasko'y wala pa sa kulungan
silang mga namburiki sa kaban

paghandaan nati'y magandang bukas
itayo ang isang lipunang patas
kung saan ang tao'y pumaparehas
wala nang trapong sa bayan naghudas

Disyembre na, wala pang napipiit
patuloy na pag-alabin ang galit
ng masa sa korap na nang-uumit
sa pondo ng bayan, buwis at badyet

- gregoriovbituinjr.
12.01.2025

Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot

DISYEMBRE NA, WALÂ PANG NAKUKULONG NA KURAKOT

Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot
baka mag-Pasko tayong ngingisi-ngisi ang buktot
masasaya pa rin silang ang mundo'y nililibot
habang masa'y naghihirap pa rin, nakalulungkot

kasya ba ang limangdaang piso sa Noche Buena?
gaya ng ipinapayo ng gobyerno sa masa
habang silang mga kabilang sa oligarkiya
may pitong daang libong piso bawat kain nila

pondo na ng bayan ang binuriki ng kawatan
sana ngayong DIsyembre bumigwas muli ang bayan
International Anti-Corruption Day, December 9
upang singilin ang mga pulitikong gahaman

dahil sa mga kurakot, nalulunod sa bahâ
ang mga kababayan nating nagdurusang lubhâ
dapat managot sa bayan ang mga walanghiyâ
dapat pagpalit ng sistema'y paghandaang sadyâ

mag-Paskong nagrarali sa Mendiola, paskong tuyó
hangga't walang makulong na korap ay di susuko
ang bayan upang panagutin ang mga hunyangò
at korap, pati na kanilang pinakapinunò

- gregoriovbituinjr.
10.03.2025