Biyernes, Oktubre 22, 2021

Kalusugan

KALUSUGAN

sa isang webinar sa kalusugan ay nabatid
ang dapat gawin ngayong nananalasa ang covid
tila baga sa karimlan tayo'y ibinubulid
habang iniisip paano ito mapapatid

kalusugan pala'y kagalingang pangkabuuan
ng pisikal, mental, sosyal, ng buong katauhan
at di lamang kawalan ng sakit o kahinaan
ito pala'y batayang prinsipyong pandaigdigan

di kalusugan kung walang malusog na isipan
at malusog na isip ay higit pa sa kawalan
ng kasiraan sa pag-iisip, na natutunan
sa isang webinar hinggil sa ating kalusugan

tunay ngang nakakabalisa ang coronavirus
siyam daw sa sampung tao'y ligalig ditong lubos
panganib na sa kalusugan, sa kita pa'y kapos
walang trabaho't katiyakan, naipon pa'y ubos

dahil ako'y nagka-covid, sa webinar dumalo
sa maraming kaalamang binahagi'y matuto
salamat sa webinar sa binahaging totoo
habang nakatingin pa rin ako sa sarili ko

- gregoriovbituinjr.
10.22.2021

mga litrato ay screenshot ng makata sa webinar

Buryong

BURYONG

dinaluhan ko'y webinar hinggil sa kalusugan
sa panahon ng pandemya sa loob ng kulungan
isang webinar na dapat kong magtala't daluhan
bilang sekretaryo heneral ng aming samahan

nagtanong din ako: paano ang social distancing
nang di magka-covid sa piitang siksikan man din
di lang sa jail personnel kundi sa mga preso rin
tugon ay may mekanismong ginawa na't gagawin

ang mental illness daw ay kondisyon o kalagayan
na huwag daw agad ituturing na kabaliwan
kundi distress o pagkabalisa, o kalooban
nila'y ligalig, apektado'y ugali't isipan

dahil nasa piitan, nadarama'y pagkaburyong
"makakalaya pa ba ako?" sa isip ay tanong
"masamang balita sa pamilya" ang sumalubong
"walang dalaw o kontak sa labas," di makasulong

laging naghihintay, ngunit naghihintay sa wala
hangad ay paglaya, ngunit kailan ba lalaya
laging tulala, hanggang kailan matutulala
ah, di na maibabalik ang panahong nawala

ano pang layunin o dahilan upang mabuhay?
kung nabubuhay ka namang para ka nang namatay?
isaisip na may pag-asa pa! maging matibay!
mahalaga'y may makausap at nakakadamay

sa nakapiit, tangi kong mapapayo'y magbasa
ng mabubuting aklat na nagbibigay pag-asa
isulat mo ang nasa isip, oo, magsulat ka!
ilahad mo sa papel ang anumang nadarama!

- gregoriovbituinjr.
10.22.2021

mga litrato ay screenshot ng makata sa webinar

Reynante Jamili, Kampyong Pinoy Boxer

REYNANTE JAMILI, KAMPYONG PINOY BOXER
(Ang Pilipinong nilabanan sina Manny Pacquiao, Erik Morales, at Juan Manuel Marquez)

Reynante Jamili, Pinoy Boxer na kampyon noon
na nakalaban ang magigiting ding mga kampyon
lalo na sa tatlong hari ng featherweight division
na nagkampyon naman sa kani-kanilang panahon

kayganda ng rekord ng kampyon nating boksingero
sa limampu't isang laban ay walo lang ang talo
at apatnapu't tatlong laban ang naipanalo
kung saan mga na-knockout niya'y tatlumpu't tatlo

sa Games and Amusements Board ay tinanghal siyang kampyon
habang nagtagumpay maging Super Bantamweight Champion
doon sa Oriental Pacific Boxing Federation
ngunit sa nasabing tatlong hari'y nabigo noon

lumaban muna kay Erik "El Terible" Morales
sunod ang kababayang Manny Pacquiao na kaybilis
na nagpatumba kay Jamili'y suntok na matulis
lumaban din kay Juan Manuel "Dinamita" Marquez

sa tatlong hari'y pulos knockout ang inabot doon
si Barrera'y isa pang hari sa featherweight noon
na di niya nakalaban sa nasabing dibisyon
natalo man sa magagaling, tunay pa ring kampyon

tingnan lang ang boxing record, aba'y bibilid tayo
knockout percentage niya'y pitumpu't pitong porsyento
salamat, Jamili, sa Pinoy boxing ay ambag mo
di ka dapat malimot pagkat kampyon kang totoo

- gregoriovbituinjr.
10.22.2021

Mga Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Reynante_Jamili
https://boxrec.com/en/boxer/5241
https://youtu.be/gy6N9fyNlQ8
https://youtu.be/USBP7XsETvQ
https://youtu.be/yk9C8wViXu8
Pacquiao, Marquez, Morales, and Barrera The Great Four:
https://www.youtube.com/watch?v=L3D-twWxwxQ

* litrato mula sa Youtube, nante Reynante Jamili vs Juan Manuel Marquez, Oct. 22, 2000