LIHAM KAY INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(nalathala sa librong “Ningas-Bao” ni GBJ, p.65-67, at inilimbag ng Aklatang Obrero Publishing Collective)
minamahal kong inay,
alam kong ang mga pangarap
ninyo ni itay para sa akin
ay hindi natupad pagkat
iba ang landas kong tinahak
kaysa inyong kagustuhan
di ko kayo nais pasakitan, inay
ngunit anong magagawa ko
kung aking nakikitang
marami ang naghihirap
at maraming pinahihirapan,
mababa ang sweldo,
walang tiyak na trabaho,
lakas-paggawa’y binabarat,
patuloy ang demolisyon,
maraming walang tahanan,
di pantay na karapatan,
maraming walang trabaho,
napakarami ng nagugutom,
at masagana lang ay iilan,
ang masa’y pinagsasamantalahan,
gobyerno’y bulag, bingi’t manhid,
mga pinuno’y hanggang salita lamang
inay, nais kong maging bahagi
ng pagbabago at ayokong mabuhay
para lang sa pansariling
kaligtasan at kaligayahan
kaya, inay, manalo man o matalo
mabuhay man o mamatay
isinugal ko na ng buong buo
ang buhay ko’t kinabukasan
alang-alang sa rebolusyon upang
mabago itong bulok na sistema
ang mga sakripisyo ninyo’y
ramdam ko’t sakripisyo ko rin
ngunit alam ko, inay,
na ako’y inyong ikagagalak
pagkat nalalaman ninyong
ang inyong anak ay naging
bahagi ng pagbabago ng lipunan
kaya huwag kayong mag-alala, inay
pagkat hindi ko sinasayang
ang aking mga isinugal
maraming salamat, inay
sa inyong pagmamahal
at malalim na pang-unawa,
sana’y makapiling ko pa kayo
pag nanalo na ang rebolusyon
at nagtagumpay ang mga sosyalista
ngunit, inay, kung sakali mang
ako sa mundo ay mawala,
ang hiling ko lamang
ay huwag kayong luluha
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.