Lunes, Abril 13, 2020

Magbasa-basa habang nasa lockdown

Magbasa-basa habang nasa lockdown

magbasa-basa habang tayo'y nasa kwarantina
magbasa ng tula, kwento, sanaysay at nobela
magbasa ng akda ni Edgar Allan Poe't iba pa
magbasa rin ng mga pilosopiya't teorya

mag-ehersisyo muna sa umaga pagkagising
at pagkatapos ng gawaing bahay ay magsaing
mag-sudoku muna bago o matapos kumain
sunod ay magbasa ng dyaryo, aklat o magasin

huwag sayangin ang oras sa walang katuturan
tulad ng inom, at pamilya'y napapabayaan
magbasang tila may himagsikang paghahandaan
patalasin ang isip ng maraming kaalaman

magbasa rin ng iba't ibang nobelang klasiko
basahin mo rin ang iba't ibang kwento't soneto
mga tula ni Shakespeare ba'y nauunawaan mo
magbasa-basa pagkat nasa lockdown pa rin tayo

- gregbituinjr.

Mag-jumping jack sa umaga, tayo'y mag-ehersisyo

Mag-jumping jack sa umaga, tayo'y mag-ehersisyo

mag-jumping jack sa umaga, tayo'y mag-ehersisyo
tumalon upang kalamnan ay tumatag nang husto
paminsan-minsan, mag-isangdaang push-up din tayo
maggulay at magbitamina, pampalakas ito

magpainit sa arawan pagsapit ng umaga
uminom ng kape nang mainitan ang sikmura
halina't sabay tayong mag-ehersisyo tuwina
palakasin ang katawan at kutis ay gumanda

mag-ehersiyo hanggang sa tumagaktak ang pawis
bakasakaling mga mikrobyo'y agad mapalis
tumakbo-takbo ring marahan, di naman mabilis
at habang nag-eehersisyo'y huwag bumungisngis

dapat magpalakas sa panahon ng kwarantina
at mag-ingat laban sa sakit na nananalasa
lalo ang kalusugan ng katawan at pamilya
halina't tayo'y mag-ehersisyo tuwing umaga

- gregbituinjr.

Magandang kalusugan ay isa nang alas

Magandang kalusugan ay isa nang alas

ayokong magkasakit at kayhirap magkasakit
anong pambayad sa ospital kung pera'y maliit
pag iyon ay nangyari, sa sarili na'y nagkait
tila ba karanasang iyon ay sadyang kaylupit

nanaisin ko pang mamatay kaysa maospital
at pahirapan ang pamilya sa presyong kaymahal
ng gamot, ng bayad sa ospital, nakasasakal
pag ganyan ang nangyari'y di na ako magtatagal

kaya kalusugan ko'y aking inaalagaan
pinatitibay kong kusa ang bawat kong kalamnan
umiinom ng gatas nang lumakas ang katawan
isda't gulay naman upang lumusog ang isipan

"Bawal magkasakit", sabi sa isang patalastas
sinusunod kong payo upang ako'y magpalakas
kumain ng tama, bitamina, gulay at prutas
aba, magandang kalusugan ay isa nang alas

- gregbituinjr.

Kung bakit ba palaging maaga akong gumising

Kung bakit ba palaging maaga akong gumising

kung bakit ba palaging maaga akong gumising
aba'y nakakagutom kaya maagang magsaing
itutula rin ang ulat mula sa pagkahimbing
kakathain ang diwa ng bayaning magigiting

nagigising sa madaling araw upang kumatha
hinggil sa samutsaring isyu't problema ng madla
itong bayan ba'y paano kakamtin ang ginhawa
kundi sa masisipag na kamay ng pinagpala

mabuhay ang lahat ng manggagawa't magsasaka
sila ang totoong bumubuhay sa ekonomya
mabuhay din ang maralitang marunong magtinda
na nabubuhay ng marangal para sa pamilya

sila ang karaniwang paksa ng katha kong buhay
pati sinelas, saging, sisiw, karaniwang bagay
sa tuwina, diwa'y kung saan-saan naglalakbay
upang mahanap ang sagot sa bawat naninilay

- gregbituinjr.