Linggo, Abril 5, 2020

Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown

Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown

sarili'y inabala ko sa pagkatha ng tula
habang nasa kwarantina pa't minsan ay tulala
habang sa kisameng may butiki'y nakatunganga
habang kung anu-ano na lang ang pinaggagawa

magtanim na muna kaya ng gulay sa bakuran
upang balang araw may gulay kang maani naman
pagtatanim sa ngayon ay sagot sa kagutuman
di na mall ang mahalaga kundi ang kabukiran

sa panahon ng lockdown, halina't tayo'y magtanim
upang sa kalaunan, sa bunga'y makakatikim
magtanim-tanim upang maiwasan ang panindim
lalo na kung ang kasalukuyan ay dumidilim

kaya tutulain muna'y tanim at kalikasan
kailangang maghanda para sa kinabukasan
magtanim kahit sa kaunting lupa sa bakuran
lagyan ng lupa't tamnan din ang latang walang laman

- gregbituinjr.

Isabuhay ang Kartilya ng Katipunan

ISABUHAY ANG KARTILYA NG KATIPUNAN

hangad namin ay kaginhawahan ng ating bayan
hangad din ito ng makasaysayang Katipunan
marangal na layunin at adhikang sinimulan
kaya misyong ito'y dapat mahusay na gampanan

Kartilya ng Katipunan ay isinasapuso
labanan ang pang-aapi, dugo man ay mabubo
pagsasamantala sa kapwa'y dapat nang maglaho
makibaka nang lipunang makatao'y matayo

ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag
ang pagkakawanggawa ang tunay na kabanalan
sa taong may hiya, salita'y panunumpa naman

karapatang pantao'y ating itinataguyod
aralin natin ang Kartilya at sa puso'y ibuod
pagpapakatao'y yakapin, sa bayan maglingkod
labanan ang mga mali kahit uugod-ugod

"Kaginhawahan", nasa sulatin ni Bonifacio
"Iisa ang pagkatao ng lahat" kay Jacinto
tunay nga silang bayani ng bansa nating ito
aral nila't Kartilya'y isabuhay ngang totoo

- gregbituinjr.

Ano ang rali?

Ano ang rali?

ang rali'y gawaing magpahayag ng sabay-sabay
madalas kasi'y di pakinggan kung mag-isang tunay
nagrarali ka dahil sa isyu'y di mapalagay
kaysa di magrali't sarili'y hayaang mamatay

mabuting maglahad kaysa sikilin ang damdamin
mabuting magsalita kaysa tumahimik lang din
ang gutom na di matiis, sa sigaw mo lunurin
kung mag-isa ka lang, sino ang sa iyo papansin

sabay-sabay na pagpapahayag ng mamamayan
ang rali dahil kung mag-isa ka'y di pakikinggan
ayusin ang pagkilos upang maparating naman
ang mensaheng dapat dinggin ng kinauukulan

kung di marinig, isulat sa plakard ang mensahe
nang makita ng madla ang tindig mo't sinasabi
paraan ng pagpahayag, huwag mag-atubuli
sabayang pagpapahayag ang esensya ng rali

nag-iisip din ang dukhang di na kaya ang gutom
nangangalampag sila sa mga utak-marunong
na nasa poder, na ibinoto rin nila noon
sakaling sa hinaing nila'y agad na tumugon 

rali'y pagdulog din ng problema sa mga paham
matugunan ang isyu't dapat silang makialam
at maabot din ang publikong dapat makaalam
upang isyu'y pag-usapan nang ito'y matugunan

- gregbituinjr.

Mabuhay ka, Chel Diokno!

Mabuhay ka, Chel Diokno!

Chel Diokno, pinakita'y ngipin at liderato
may ngipin laban sa pang-aapi't pang-aabuso
kahit naninira'y dating huwes at abugado
subalit naging pangulo ng bayang Pilipino

di kayang gibain, haring praning man ang bumira
pagtulungan ka man nila'y kasangga mo ang masa
magpatuloy ka sa ginagawa mong magaganda
ipagtanggol ang wasto't gawin ang tama tuwina

Chel Diokno, senador ng masa, tagapagtanggol
di ka lang nanalo, marahil kulang sa panggugol
kumpara sa tatlong B.bi, buduts, bato at bukol
na kaya marahil nanalo'y kadikit ng ulol

"papatayin ko kayo!" sabi ng matinong gago
si Chel ay: "Ipagtanggol ang karapatang pantao!
May batas tayo. Respetuhin ang wastong proseso!
Dapat may due process, at di dapat umaabuso!"

napangitan man sa ngipin mo ang mukhang kulugo
ang kanyang bunganga naman ay pagkabaho-baho
lagi na lang "patayin ko kayo!" ang nasa nguso
dapat taumbayan na sa puwet niya'y mamalo

huling hirit pa, kayputi pala ng iyong ngipin
sa pangulo'y kaybaho, ngipin pa yata'y nangitim
animo'y sabaw ng pusit at budhi ng salarin
salamat at sa masa'y nakakangiti ka pa rin

- gregbituinjr.