Lunes, Pebrero 21, 2022

Aralin

ARALIN

ngayon, nagtuturo muli sa kapwa maralita
ano ang karapatan natin sa paninirahan
mahalagang mabatid ng walang bahay na dukha
kung paano karapatang ito'y maipaglaban

iilan man silang natuturuan natin ngayon
bagamat nabigyan na'y marami-raming kapatid
lalo't marami pang iskedyul at pagkakataon
upang walang bahay ay talagang ito'y mabatid

may natutulugan sila ngunit di lupa nila
silang nakatira roong ilang dekadang higit
nais nilang tinirhang lupa'y mapasakanila
kaya lider-maralita'y agad nagmalasakit

Housing Rights and Climate Justice, isyung pinaglalaban
maraming bahay, sinira ng bagyo, sinalanta
iba'y dinemolis, relokasyon ay wala pa man
karapatan sa pabahay, iangkop din sa klima

pagtuturo ng klima't karapatan sa pabahay
ay kambal na tungkulin ng samahang maralita
upang mga ito'y kanilang ipaglabang tunay
nang kapwa maralita'y di maging kaawa-awa

- gregoriovbituinjr.
02.21.2022

litratong kuha ng sekretaryo-heneral ng KPML sa kanilang tanggapan sa Pasig

Bawat tula'y tulay

BAWAT TULA'Y TULAY

"An artist is not a special kind of person rather each person is a special kind of artist." - mula sa paskil sa isang kainan

ako'y isang manunula
at artista ng salita
kahit bumagyo't bumaha
ay patuloy sa pagkatha

iyon na ang naging buhay
niring makata ng lumbay
na ang bawat tula'y tulay
sa madla ng diwa't pakay

tulay sa bawat linggatong
at paglaban sa ulupong
tulay sa dukha't may dunong
upang bayan ay sumulong

kung sa tula'y may magbasa't
kinagiliwan ng masa
mula sa puso talaga'y
pasasalamat tuwina

- gregoriovbituinjr.
02.21.2022

Gawaing tambak

GAWAING TAMBAK

tumatambak ang mga gawain
na dapat lang piliting tapusin
subalit dapat alam mong tupdin
ang katungkulan kahit tipirin

inilagay ka diyan ng bayan
sa sinumpaan mong katungkulan
kaya pagbutihin ang paggampan
ang sa kalooban mo'y magaan

lalo't adhikain at pangarap
ay lipunang walang pagpapanggap
na taumbaya'y di naghihirap
lipunang sa kapwa'y mapaglingap

ang pagkasalansan ng trabaho
at time management nama'y batid mo
kung sa trabaho mo'y aburido
ay huwag mo lang ikapanlumo

gawaing tambak, dapat matapos
napunong salop, dapat makalos
hininga nawa'y di manggipuspos
ikaw pa rin ay makararaos

- gregoriovbituinjr.
02.21.2022

litratong kuha ng makatang gala sa isang pader sa Katipunan, QC