Lunes, Enero 23, 2012

Muli, sa Sinisinta


MULI, SA SINISINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Jen, di lang sa ngiti mo ako nahahalina
di lang sa iyong mukhang kaysarap laging masdan
nais ko'y mismong ikaw, kabuuang kayganda
na aking ibinaon sa puso ko't isipan

adhika ko sa buhay ang makasama kita
sa hirap at ginhawa, sa payap't digmaan
di ko mapapangakong sa iyo'y ikwintas pa
yaong tala sa langit, pati araw at buwan

ang makakaya lamang na magawa ko, sinta
ay pagsisikapan kong ikaw'y pangalagaan
at ating bubuuin ay pamilyang kaysaya
sa gitna man ng krisis at laksang kahirapan

masaya ang puso kong makita kang masaya
walang kasingsaya kung tayo'y nag-iibigan
sa puso nati't isip, tayong dalawa'y isa
gagawin ko ang lahat tayo'y magdugtong lamang

magiging karugtong ka nitong aking bituka
ako nama'y durugtong sa iyong katauhan
magigi kang kabiyak ng bawat kong pag-asa
at damhin mo ang aking mga kapangahasan

Panata sa Uring Manggagawa


PANATA SA URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(batay sa hiling ng isang kasama na gawan ko ng tula)

Batid ko ang hirap ng bawat manggagawa
Nilikha nila ang ekonomya ng bansa
Pagkain at produkto, silaang maylikha
Di mabubuhay ang mundo kung sila'y wala
Manggagawa, buod ka ng aking panata

Pagkakaisahin ko ang mga obrero
Habang tangan itong sosyalistang prinsipyo
Gagampanan ang pagiging selupturero
Ng mapang-aping sistemang kapitalismo
Ito nga, mga kapatid, ang panata ko

Di nararapat mabuhay sa dusa't luha
Ang manggagawang sinakbibi ng dalita
Silang tanging pag-aari'y lakas-paggawa
Na dapat magsamang putlin ang tanikala
Nang madurog ang kapitalismong kuhila

Sa lahat ng pinuno't kasaping obrero
Ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Durugin man ng kaaway ang aking buto
Pitpitin ang katawan, basagin ang ulo
Sosyalismo'y ipaglalaban hanggang dulo.