Martes, Hunyo 9, 2020

Ang tabletang tinawag na YBC 7289

natagpuan noon ang isang putik na tableta
na likha noong unang panahon sa Babilonya
pinaniniwalaang tabletang ito'y gawa pa
ng estudyanteng mula sa timog Mesopotamia

ang parisukat nito'y may dalawang diyagonal
at tatak na dalawang numerong seksagesimal
una umano'y may aproksimasyong numerikal
habang sinusuri ko, ako'y napapatigagal

malalagay raw sa palad ng isang estudyante
ang tabletang itong ganoon lamang daw kalaki
ito nga'y "greatest known computational accuracy"
noong unang panahon, ganito nila sinabi

may kinalaman pa raw ito sa square root of two
na makikita rin daw sa tabletang may ugnay dito
inaral daw nina Neugebauer at Sachs ito
pati ni Ptolemy na Griyegong matematiko

ito ngayon ay nasa "Yale Babylonian Collection"
na diumano'y donasyon ni J. P. Morgan doon
ito'y "pair of numbers with geometric interpretation"
na ayon kina David Fowler at Eleanor Robson

matematikang Babylonia'y magandang aralin
bagamat ako'y nahihirapan pang unawain
subalit dapat ko itong suriin at aralin
upang itong matematika'y maitula ko rin

- gregbituinjr.
06.09.2020

Pinaghalawan: 
https://tl.wikipedia.org/wiki/Matematika
https://www.maa.org/press/periodicals/convergence/the-best-known-old-babylonian-tablet

Namulot ng tae ng hayop upang gawing pataba

namulot din ako ng tae ng hayop sa labas
upang gawing pataba sa tanim na nagpuprutas
di ba't wasto itong gawin, mabaho man ang etsas
pataba na sa lupa, may problema pang nalutas

kaya ang mga tulad ko'y wala nang diri-diri
hakutin ang tae upang tinanim ang magwagi
ako'y simpleng masa lamang, di naman ako hari
na sinilang nang may kutsarang pilak, nandidiri

sa kalaunan ay lalago na rin ang pananim
na kung namumulaklak ito'y tiyak masisimsim
na pag namunga ito'y kaysarap kahit maasim
na mawawala rin naman ang anumang panimdim

kaya sige lang, tae'y hakutin, gawing pataba
nakatulong ka pa sa kalikasang namumutla
wala nang diri-diri upang tumaba ng lupa
basta't mamunga ang puno ng sangkaterbang suha

- gregbituinjr.

Sa akin, ang pagkain na'y para lang gasolina

sa akin, ang pagkain na'y para lang gasolina
kailangan mo na lang ito upang lumakas ka
tumikim pa ng ibang putahe'y di na masaya
basta kung ano ang nandyan, iyon ang kainin na

patakaran ko na lang sa ulam ay murang presyo
at di kung masarapan ba ako sa lutong ito
medyo matabang, o maanghang man, kakainin ko
upang matapos na't magawa ang ibang proyekto

huwag mo na akong tanungin anong kakainin
kung tuyo ang mura, iyon ang aking uulamin
kung may talbos sa paligid, iyon ang lalagain
basta anong kaya ng bulsa, iyon ang lutuin

kahit araw-araw akong adobong porkchop, ayos lang
araw-gabi mang tuyong hawot o kangkong, okay lang
basta mabusog, ito na ang bagong patakaran
kumain upang may panggasolina ang katawan

- gregbituinjr.

Ang bagong normal ay mas lumala pa kaysa dati

ang bagong normal ay mas lumala pa kaysa dati
pag tatlong beses kumain ay masasabing swerte
dalawang beses na lang kami kung kumain dine
gulay, itlog, tuyo, noodles, mura lang, walang karne

tanong nga sa akin, nakakain ba ang prinsipyo?
mahirap kumain kung walang prinsipyo, sagot ko
mahirap lunukin ang binalato lang sa iyo
dahil lang naawa lalo na't wala namang sweldo

bakit di raw magpaalipin sa kapitalista?
nang kahit paano'y malimusan ako ng pera
sa isip: nabubuhay ba ako dahil sa kwarta?
kahit labag na sa prinsipyo bilang aktibista?

sige, susubukan kong mag-aplay sa pagawaan
ngunit pagmumulat ay tungkuling di maiwasan
pag may nakita akong paglabag sa karapatan
aba'y tutulong ako't di magbubulag-bulagan

karapatan ng manggagawa'y ituturo roon
kung kinakailangan, tayuan sila ng unyon
pag-aralan din ang lipunang umiiral ngayon
at ituro sa manggagawa ang kanilang misyon

ipaunawa rin ang sinasabing bagong normal
na malaki ang naging epekto sa mundo't asal
na buhay ng marami'y lumala't naging marawal
pagnilayan din ang trabaho't buhay na may dangal

lipunan at karapatan ay dapat unawain
pagkapitbisig ng manggagawa'y itaguyod din
ito lamang ang isa sa niyakap kong tungkulin
na dapat gampanan pagkat marangal ang layunin

- gregbituinjr.

Puna't patama

sa kanyang ang ugali'y kapara ng naptalina
walang magawa sa buhay, lahat na'y pinupuna
wala rin daw namang trabaho akong aktibista
bakit ayaw raw paalipin sa kapitalista

awit ni Freddie Aguilar ay mahilig kantahin
mag-ingat daw sa manloloko'y bukambibig na rin
tama naman, awit ni Freddie'y may tamang layunin
ngunit kakilala ko'y may pinatatamaan din

gumawa raw ng sulat upang manghingi ng pera
ang taong inilarawan ni Ka Freddie sa kanta
may sakit daw ang anak na dapat daw magamot na
subalit taong iyon ay sa kabaret nagpunta

nabisto siya ni Ka Freddie't natulala ito
iinom upang problema'y malimutan daw nito
kaya sa awit, ang sabi nga, "mag-iingat kayo"
sa modus nilang ganito't "baka kayo'y maloko"

isang kakilala'y inuulit yaong awitin
wala raw trabaho kaya ganito ang gawain
anya'y pabigat lang daw, mukhang patama sa akin
dahil ako'y walang sahod, paano raw kakain

manunulat na tibak kasi akong di magalit
masipag mang pultaym, walang kita, pulos pasakit
kaya gayon-gayon na lamang siya kung manlait
ngunit di ako tulad ng sinasabi sa awit

ngunit dahil walang sahod, sa akin ang patama
nais kong umalis pag ganito lagi ang gawa
nais kong takasan ang makakati niyang dila
subalit tiis-tiis, sarili'y pinapayapa

- gregbituinjr.