Martes, Enero 12, 2010

Putok sa Buho

PUTOK SA BUHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di na malaman kung saan nagmula
ang putok sa buhong pagala-gala
sa lansangan ang tulad niyang dukha
di matanto kung anong mapapala
sa buhay na sangkahig at santuka
nabuhay siyang nakatanikala
sa kahirapan, pagdurusa't luha

para bang tadhana'y napakaramot
kaya dinanas sa buhay ay lungkot
sa maraming gulo nga'y nasasangkot
siyang sa buhay ay tila nalimot
katotohanang nakapanlalambot
sa tulad niyang tila haliparot
putok sa buho ba'y saan aabot

putok man sa buho'y dapat lumaban
at di dapat paapi kaninuman
putok sa buho'y di dapat batugan
kundi'y magsumikap sa katungkulan
putok man sa buho'y may karangalan
at tandaang siya'y may karapatan
na dapat kilanlin ng buong bayan