HALINA'T PARANGALAN ANG MGA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
nalikha ang lipunan dahil sa manggagawa
kung wala sila, lipunan ay di malilikha
dahil sa bisig nila, mundo'y pinagpapala
dahil sa kanila, umunlad ang mga bansa
lipunan ay di nilikha ng kapitalista
ngunit naghahari-harian pa dito'y sila
utang na loob daw ng obrero sa kanila
kaya mga ito'y may trabaho sa pabrika
aba, aba, aba, sila pa ang nagmayabang
kung di raw sa kanila, obrero'y walang puwang
subukan kaya nilang walang obrero riyan
tutubo ba ng limpak silang mga gahaman
dapat matanto ng kapitalistang kuhila
ang katotohanang kung wala ang manggagawa
pabrika'y sarado, tutubuin nila'y wala
kailangang kalakal ay di na malilikha
mula pa ng panahong primitibong lipunan
mga tao'y nangangaso at nagbibigayan
mga nakukuha nila'y pinaghahatian
walang gutom, bawat isa'y lalamnan ang tiyan
ngunit nang dumatal na ang lipunang alipin
mga alipin ang tagakuha ng pagkain
para sa panginoong sa kanila'y nag-angkin
sila'y walang karapatan, madaling patayin
nang umunlad na ang kagamitan sa produksyon
tao'y inari ng mga naghahari noon
hanggang sa dumating ang maylupang panginoon
sa lipunang pyudal, magsasaka'y di malingon
hanggang ang sistemang sahuran ay maimbento
ang pangunahin sa kapitalista'y negosyo
nagtayo ng pabrika, nangalap ng obrero
tubo ang una, kahit obrero'y ginagago
ngunit lipunang ito'y di sa kapitalista
di sa sinupamang nang-aalipin sa masa
di sa sinupamang mayayamang elitista
lalo't di sa gahaman sa tutubuin nila
lipunang ito'y para sa nagpagal, nagpala
upang umunlad ang ekonomya nitong bansa
lipunang ito'y nilikha ng lakas-paggawa
halina't parangalan ang mga manggagawa