alam mo bang kaibhan ng bibe, itik at pato
ay tulad ng kaibhan ng unggoy, matsing at tsonggo
ang kaibhan ng tinali, tandang at talisain
ay tulad ng kaibhan ng banoy, agila't lawin
magkakaiba ang bisiro, buriko at guya
pawang anak ng hayop sa bukid na pinagpala
kaibhan ng trabahador, obrero, manggagawa
ay tulad din ng kaswal, kontraktwal, arawang gawa
kaibhan ng pesante, magsasaka't magbubukid
ay tulad ng sastre, mananahi't magsisinulid
magkapareho man sa tingin ay magkaiba rin
ngunit dapat matalos natin ito't unawain
may pagkakahawig man ang magkapatid na kambal
kita ang kaibhan nila sa pagkatao't asal
- gregbituinjr.