Lunes, Agosto 2, 2010

Ang Mahihina at Maliliit

ANG MAHIHINA AT MALILIIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ito bang mahina't maliliit
ay wala nga bang laban sa langit
kaya di na makuhang magalit
doon sa mga nagmamalupit

ang langit ay dapat kapootan
kung ito'y walang silbi sa bayan
pagkat di ito naaasahan
ng nagdaralitang sambayanan

ang langit ay di dapat sambahin
pagkat ito'y langit na may piring
na walang pakialam sa atin
pagkat lagi itong nahihimbing

laging sa langit nakatunganga
ang marami-raming maralita
nag-aakalang may mapapala
sa kalangitan ang mga dukha

sadya bang walang laban sa langit
itong mahihina't maliliit
titigil lang ang pagmamalupit
kung hustisya'y ating igigiit

dapat wala nang mga mahina
at maliit na kinakawawa
dapat yaong sistemang kuhila
ay tuluyang palitan ng madla

Basta't Di Magutom ang Maralita

BASTA'T DI MAGUTOM ANG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaydali raw lokohin ng trapo ang masa
ang prinsipyo raw nila'y madalas ibenta
kapalit ng pantawid-gutom nila'y pera
na iminumudmod ng trapo sa kanila

sa gutom kailangan nilang makaraos
kahit nararamdaman ang pagkabusabos
kaya minsan prinsipyo'y nabebentang lubos
kahit ayaw nila't puso'y nahahambalos

ramdam ng dukha ang nangyayari sa kanya
ngunit may mga nagagawa kaya siya
tila ba ang gobyerno'y walang nadarama
sa kanilang hirap at mga pagdurusa

diskarte lang ba iyon bilang maralita
kahit na turing sa kanila'y hampaslupa
huwag lamang magutom ang pamilyang dukha
kaysa mamatay sila pagkat walang-wala