Miyerkules, Hunyo 7, 2023

Mabuhay ang mga migranteng manggagawa!

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA!

tinaguriang bayani dahil nagsakripisyo
pamilya'y iniwanan upang makapagtrabaho
ng kung ilang taon sa malayong bansa dumayo
kahit na ma-homesick ay nagsisikap umasenso

nangibang-bayan na't kulang ang trabaho sa bansa
kayraming nilang nagtrabaho para sa banyaga
sa maraming bayan sa kanluran, timog, hilaga
habang iniwanang tiwangwang ang tigang na lupa

huwag lang sa illegal recruiter ay magpaloko
ibinenta ang kalabaw upang ipambayad mo
sa samutsaring papeles o mga dokumento
dito pa lang, nagsakripisyo na silang totoo

lumipat ng lugar nang makapagtrabaho roon
o kaya'y upang sila'y manirahan na rin doon
magandang bukas ang hinahanap ng mga iyon
kaginhawahan ng pamilya ang kanilang layon

oo, magandang buhay ang malimit sinasabi
na marahil di maranasan sa bansang sarili
kaya ang mga migrante ba'y ating masisisi
kung sa ibang bansa na'y naakit sila't pumirmi

pumirmi nang pansamantala o panghabambuhay
pasiya nila iyang di mapipigilang tunay
O, migrante, kami po'y taospusong nagpupugay!
sana, sakripisyo ninyo'y magbunga ng tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 7, 2023, pahina 5

Tarang magkape

TARANG MAGKAPE

kaysarap ng tulog ng nakaraang gabi
kaya paggising ngayong umaga'y nagkape
sa dadaluhang pulong ay magiging busy
upang sa obrero't masa'y makapagsilbi

tarang magkape, kumukulo na ang tubig
SULONG patungo sa gawaing kapitbisig
BANGON at sa anumang problema'y tumindig
KAYA MO 'YAN! sa ating kapwa'y bukambibig

magbahaginan ng kinaharap na isyu
suriin ang lipunan paano tumakbo
at magkaisa sa tinanganang prinsipyo
magsikilos tungong lipunang makatao

pagkunutan ng noo ang ating problema
pag-usapan paano kamtin ang hustisya
at pakikipagkapwa'y bigyan ng halaga
habang mainit ang tubig, magkape muna

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023