Sabado, Oktubre 11, 2014

Kailangan ng klima ng pagbabago

KAILANGAN NG KLIMA NG PAGBABAGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

nagbago na ang klima
kayrami nang disgrasya
kaytindi ni Yolanda
nanalasa si Glenda
nakawawa ang masa

ulan ay labis-labis
mga bagyo'y kaybangis
ito ba'y matitiis
kayraming tumatangis
lalo ang anakpawis

mga bata't matanda
ay apektadong sadya
mukha'y natutulala
ang puso'y di payapa
meron bang magagawa?

may magagawa tayo
sa klimang nagbabago
kung sa puso ng tao
klima ng pagbabago
ay gagawing totoo

sarili'y pagnilayan
aralin ang lipunan
at ang kapaligiran
hanggang ating malaman
ang tamang kasagutan

- Parokya ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario, Lopez, Quezon, Oktubre 11, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Climate Justice Now! - Climate Walk sa ika-10 araw

CLIMATE JUSTICE NOW!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

marami mang tinawid
na lansangang makitid
nasa'y maipabatid
ang Climate Walk, kapatid

adhika'y magkaisa
ang bawat bayan, masa
tayo'y magsama-sama
sa adhikang hustisya

- sinulat sa San Vicente Multipurpose Hall, Brgy. San Vicente, Gumaca, Quezon, Oktubre 11, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Kapitalismo ang ugat

KAPITALISMO ANG UGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kapitalismo ang ugat ng pagkasira
ng kalikasan, ng pamayanan, ng bansa

nang dahil sa tubo, minina ang lupa
naging sakim, mabait ay naging kuhila

kapitalistang sistemang dapat mawala
upang daigdig ay di tuluyang masira

halina't kumilos, magkaisang gumawa
lipunan ay baguhin at gawing payapa

- Km200, Brgy. Villapadua, Gumaca, Quezon, Oktubre 11, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda