Huwebes, Enero 13, 2022

Ulat

ULAT

matalim ang pagkatitig ko sa balitang iyon
na tila ba mga kuko sa likod ko'y bumaon
nagkasibakan na sa kalahating milyong kotong
napakalaki pala nang nakurakot na datung

buti't nabubulgar pa ang ganitong gawa nila
pinagkakatiwalaan pa naman ang ahensya
ngunit maling diskarte'y bumulaga sa kanila
kumilos na nga ba ang nakapiring na hustisya

balat-ahas ba ang ilang nakasuot-disente
o di lang sila iilan kundi napakarami
dahil sa pera't kapangyarihan, dumidiskarte
iba't ibang raket ang pinasok ng mga imbi

sadyang may pakpak ang balita't may tainga ang lupa
at nakakahuli rin pala ng malaking isda
di lang sa karagatan kundi sa putikang lupa
habang ang maliliit ay gutom pa rin at dukha

- gregoriovbituinjr.
01.13.2022

* balita mula sa Abante Tonite, Enero 5, 2022, pahina 2

Wakas

WAKAS

sa malao't madali, sa mundo'y mawawala na
sa madla'y walang maiiwang bakas o pamana
kundi pawang tula't sanaysay ng pakikibaka
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya

wala na tayong mararamdaman pa pag namatay
kaya gawin natin ang wasto habang nabubuhay
sa pakikibaka man, isang paa'y nasa hukay
sa pag-oorganisa ng masa'y magpakahusay

nais ko mang mawala sa edad pitumpu't pito
ngunit baka abutin naman ng walumpu't walo
si F. Sionil Jose'y namatay siyamnapu't pito
gayong edad ay di ko na aasahang totoo

basta gawin kung anong wasto, sulat man ng sulat
bagaman ang binti'y malimit nang pinupulikat
ang mahalaga'y nakikipagkapwa't nagmumulat
tungo sa makataong lipunang siyang marapat

- gregoriovbituinjr.
01.13.2022