Huwebes, Agosto 7, 2014

Habang tumatagas ang dugo sa Gaza

HABANG TUMATAGAS ANG DUGO SA GAZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

o, kay-agang nawala nilang mga walang malay
sumusumpa sa harap ng malamig nilang bangkay
ang maraming ina, kuya, ate, kanilang tatay
hustisya'y asam para sa kanilang nangamatay

patuloy pa roong tumatagas ang mga dugo
ilang dugo na ba ang nasakripisyo't nabubo?
ilan pa ang mamamatay, mawawasak na bungo?
paglayang nakalibing ay paano mahahango?

dugo'y tumatagas sa pinag-aagawang lupa
sa magkabilang pisngi'y nag-uunahan ang luha
lupaing yaon ba'y banal o sadyang isinumpa?
sa suliraning ito'y dapat tayong may magawa

habang mga dugo'y patuloy doong tumatagas
iba'y nakikinabang sa pagbebenta ng armas
pinagtutubuan ang digmaang di naman patas
sariling interes lang ang sa puso'y nag-aatas

dyenosidyo iyon, likha ng mga mapaniil
inahin ang dinadagit ng buwitreng may pangil
ang solusyon ba'y mata sa mata, baril sa baril?
pagtagas ng mga dugo'y kailan matitigil?

Pilipino, Palestino, karapatang pantao

PILIPINO, PALESTINO, KARAPATANG PANTAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pilipino, Palestino, karapatang pantao
Palestino, karapatang pantao, Pilipino
karapatang pantao, Pilipino, Palestino
bawat isa'y may karapatang mabuhay sa mundo

Palestino'y dyenosidyo yaong nararanasan
sa lupang ninuno'y pinalalayas ng tuluyan
lahi nila'y inuubos, mga bata'y pinaslang!
mabuhay sa mundo'y di na ba nila karapatan?

laksang dugo ang tumagas, mga ina'y umiyak
kayraming karaniwang tao ang napapahamak
sa lupaing Palestino'y nangibabaw ang sindak
na kahit bata'y pinapaslang, bungo'y winawasak

mga taga-Israel lang ba ang anak ng Diyos?
kaya mga Palestino'y kanilang inuubos?
hindi pala makatarungan ang kanilang Diyos
kung ang iba'y winawalan ng dangal, inuubos!

iyang tao'y di kutong basta tinitiris nila
iyang tao'y di hayop na pinapatay lang basta
dapat magpahalaga sa buhay sinuman sila
at dapat kiling sa kapayapaang may hustisya

Palestino, katulad din ng mga Pilipino
nakikibaka upang kalayaan ay matamo
bawat isa’y may karapatang mabuhay sa mundo
Pilipino, Palestino, karapatang pantao