Lunes, Hulyo 1, 2024

Ang labandero

ANG LABANDERO

pag tambak na ang labada
gawain ko ang maglaba
damit ng anak, asawa,
damit ng buong pamilya

Perla ang gamit kong sabon
at wala nang Ajax ngayon
kaya tungkulin ko't layon
labhan ang suot kahapon

kukusutin ko ang kwelyo
ang kilikili't pundiyo
palo-palo pa'y gamit ko
nang malinisang totoo

mga suot kong pangrali
damit din ng estudyante
at ng asawang kaybuti
ay lalabhan kong maigi

ako'y isang labandero
eh, ano, lalaki ako
tulong na sa pamilya ko
lahat ng gawaing ito

nang walang tambak na damit
na suot paulit-ulit
labhan upang may magamit
sa pupuntahang malimit

- gregoriovbituinjr.
07.01.2024

Pusong uhaw, pusang uhaw

PUSONG UHAW, PUSANG UHAW

minsan, uhaw ang ating puso sa pag-ibig
hanap ang giliw upang kulungin sa bisig
sumasaya agad pag narinig ang tinig
ng sintang sa iwing puso'y nagpapapintig

habang pusa kong alaga'y uhaw sa tubig
na tubig-ulan yaong tumighaw sa bibig
matapos pakainin nang hindi mabikig
nang di magkasakit at umayos ang tindig

salamat sa pag-irog na di palulupig
sa anumang suliraning di makadaig
sa pusong naglalagablab kahit malamig
ang panahong balat nati'y nangangaligkig

minsan, sa pag-ibig, sagisag ay sigasig
sigasig ay sagisag kaya lumalawig
ang pagsasama ng dalawang umiibig
di mauuhaw ang pusong laksa sa dilig

- gregoriovbituinjr.
07.01.2024

* mapapanood ang bidyo ng pusang uhaw sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/898819382053667 

Ang sahurang alipin

ANG SAHURANG ALIPIN

ikaw ang tumutustos sa buong pamilya
o baka may malaking pagkakautang ka
ay, ganyan ka inilalarawan tuwina
gayong kakarampot mong sahod ay kulang pa

akala nila'y lagi kang paldo pag sweldo
na kayrami nilang nakaasa sa iyo
anak mo, pamangkin, asawa, lola, lolo
o kaya'y kumpareng lasenggo't lasenggero

ano ka nga ba, manggagawa o makina?
makina kang laging nagtatae ng pera?
o makinang alipin ng kapitalista?
kapitalistang panginoon sa pabrika?

O, manggagawa, kapatid naming obrero
ikaw ba'y minahan ng libo-libong piso
na ibinibigay mo sa kapitalismo
tao ka ring napapagod na katulad ko

kaytagal mo nang kalahok sa tunggalian
nitong mapang-alipin at kaalipinan
ang pagkasahurang alipin mo'y wakasan
at palayain na sa kapital ang bayan

- gregoriovbituinjr.
07.01.2024

* kathang tula ng makatang gala batay sa ibinigay na larawan