Miyerkules, Hunyo 15, 2022

Pasakalye o tambiling

PASAKALYE O TAMBILING

may katumbas pala ang pasacalle ng Kastila,
di pasakalye, kundi TAMBILING sa ating wika...
sa musika nga'y pasakalye yaong panimula
o pambungad na tugtog sa martsa, oo, yaon nga;
isa pang kahulugan nito'y Paunang Salita

sa aklat ngang Balagtasismo versus Modernismo
ng pambansang alagad ng sining na si Sir Rio
di Paunang Salita o Pambungad ang narito
kundi Pasakalye, mahabang pagtalakay ito
apatnapu't apat na pahina, siyang totoo

Tambiling, matandang Tagalog, di na ginagamit
dahil sa nasaliksik ito'y nais kong igiit
sariling wika, imbes banyaga'y gamiting pilit
mga lumang salita'y gamitin kahit na saglit
tulad ng Tambiling na pasakalye pala'y hirit

- gregoriovbituinjr.
06.15.2022

Mga pinaghalawan:
- UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1220
- Diksyunaryong Filipino-Filipino, ni Ofelia E. Concepcion, p. 148
- Diksyunaryong Filipino, Tagalog-Tagalog, ng Tru-Copy Publishing House, p. 162
- Balagtasismo versus Modernismo, p. 1-44

Soneto 116

SONETO 116
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Huwag akong hayaang aminin / ang mga hadlang sa pagniniig
Ng mga totoong isip. Yaong / pag-ibig ay hindi pagmamahal
Na binabago ang natagpuang / pagbabagong naipahiwatig,
O nababaluktot pag ginamit / yaong pamawi upang magtanggal.
O hindi! iyon na'y palagiang / tatak na talagang nakapako,
Na hagilap yaong mga unos / at di naman talaga matinag;
Iyon nga ang bituin sa bawat / balakbak na kung saan patungo,
Na di batid ang kahalagahan, / gayong nakuha ang kanyang tangkad.
Pagsinta'y di biro ng Panahon, / na may pisngi't labing kaypupula
Sa loob ng kumilong aguhon / ng karit niyang doon dumating;
Sa munti niyang oras at linggo'y / di nagbabago yaong pagsinta,
Sa bingit man ng kapahamakan / ito'y pinagtitiisan man din.
Kung ito'y isang pagkakamali / at ito'y mapapatunayan ko,
Di ako nagsulat, at ni wala / talagang iniibig na tao.

06.15.2022

aguhon - compass, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 20

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - katinig na malakas i; katinig na mahina a;
cdcd - patinig na may impit o; katinig na malakas a;
efef - patinig na walang impit a; katinig na mahina i;
gg - patinig na walang impit o.

SONNET 116
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classics

Let me not to the marriage of true minds
Admit impediments. Love is not love
Which alters when it alteration finds,
Or bends with the remover to remove.
O no! it is an ever-fixed mark,
That looks on tempests and is never shaken;
It is the star to every wand'ring bark,
Whose worth's unknown, although his height be taken.
Love's not Time's fool, though rosy lips and cheeks
Within his bending sickle's compass come;
Love alters not with his brief hours and weeks,
But bears it out even to the edge of doom.
If this be error and upon me prov'd,
I never writ, nor no man ever lov'd.

Manggagawa ang tagalikha ng kaunlaran

MANGGAGAWA ANG TAGALIKHA NG KAUNLARAN

nagtatayugang gusali, mahahabang lansangan,
tulay, ospital, mall, plasa, sinehan, paaralan
kung walang manggagawa, magagawa kaya iyan?
HINDI! manggagawa ang tanging nagsilikha niyan

hindi uunlad ang mga lungsod kung wala sila
manggagawa ang nagpaunlad nitong ekonomya
nilikha ng obrero ang maraming istruktura
kaya dapat tayong magpasalamat sa kanila

manggagawa yaong dahilan kaya may Kongreso
kaya may pabrika, may opis ang taong gobyerno
Malakanyang, Simbahan, skyway, subway, Senado
kung walang manggagawa'y walang kaunlaran tayo

tara, ating pagpugayan ang mga manggagawa
pagkat kaunlaran ng mundo'y kanilang nilikha
kaya di sila dapat pagsamantalahang sadya
ng mga tuso't kuhilang tubo lang ang adhika

- gregoriovbituinjr.
06.15.2022

Walang gitling sa ika

WALANG GITLING SA IKA

tingni, bakit ba walang gitling sa unlaping ika
pag dinugtong sa numerong sinatitik, bakit ba
pag sa numero ikinabit, may gitling talaga
ngunit pag sinatitik, gitling ay nawawala na

papel ng panlapi sa salitang ugat ikabit
nilalagyan ng gitling kapag sa buka ng bibig
ay sumasabit, tulad ng mag-asawa't pag-ibig
may-ari, mayari, nang-alay, nangalay, pag-ukit

subalit pag nilagyan ng panlapi na'y numero
di sinatitik ang pagkasulat, tambilang mismo
lalagyan mo na ng gitling dahil ito'y simbolo
ang tiglima'y tig-5, ikapito'y ika-7

di ika-siyam, di ika-sampu, di ika-apat
kundi ikasiyam, ikasampu, at ikaapat
wastong gamit ng gitling ay aralin nating sukat
at ito'y gamitin ng wasto sa ating pagsulat

- gregoriovbituinjr.
06.15.2022

* litrato mula sa aklat na Diksyunaryong Filipino, Tagalog-Tagalog, ng Tru-Copy Publishing House, pahina 405