Lunes, Hunyo 5, 2023

Ngayong World Environment Day 2023

NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY 2023

sa harap ng D.E.N.R, walang nagpo-protesta
nang magtungo ako ng ikasampu ng umaga
kaya pala walang imbitasyon akong nakita
dahil kaya administrasyong ito'y naiiba?

di ba katulad ng nakaraang administrasyon
aba'y kabi-kabila ang mga pagkilos noon
sadyang naghanap ako ng masasamahan ngayon
upang maibulalas ang sa diwa'y mga tanong:

bakit ba progreso'y mapanira ng kalikasan?
kaya raw nagmimina ay para sa kaunlaran
kinalbo ang gubat at pinatag ang kabundukan
iyan ba ang development? progreso nga ba iyan?

matindi na ang pananalasa ng microplastic
sa paligid-ligid, na sa laot pa'y nagsumiksik
di sapat ang paggawa ng ekobrik at yosibrik
upang malutas ang suliraning kahindik-hindik

ngayong World Environment Day, ating alalahanin
sa pagkasira ng kalikasan, anong gagawin
meron nang Right to a Healthy Environment ang U.N.
Rights of Nature pa'y dapat ding maitaguyod natin

mabuhay ang mga nangangalagang katutubo
sa kagubatan, kabundukan, upang di maglaho
mabuhay yaong nakikibakang di humihinto
upang kapaligira'y alagaa't mapalago

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

Mahal, ako'y pauwi na (Sa eroplano, Bidyo 12)

MAHAL, AKO'Y PAUWI NA
(Sa eroplano, Bidyo 12)

"Pauwi na ako," sabi sa isang awit
na sa puso't diwa'y pananabik ang bitbit
di na iniisip kung saan pa sasabit
basta't tungo'y sa mahal na asawa't paslit

sa eroplano'y sumakay tungong Maynila
nang may kasabikang makakauwi na nga
paglalakbay man ay matagal at mahaba
o maiksi man, may saya sa puso't diwa

"Pauwi na ako, mahal" ang aking sabi
sa tanging diwatang talagang kinakasi
huwag lamang sanang matulad sa mensahe
sa awiting "Napakasakit, Kuya Eddie"

tigib ng kasabikang puso'y inihanda
upang di salubungin ng lumbay at luha
upang tanging pagsinta yaong manariwa
at magniig muli ang aming puso't diwa

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqwyLL_NGb/

Pagdatal sa NAIA 3 (Sa eroplano, Bidyo 11)

PAGDATAL SA NAIA 3
(Sa eroplano, Bidyo 11)

hapon na nang sa paliparan nakarating
habang nasa isip ang diwatang kaylambing
"baka may tsiks ka roon" ang biro't pasaring
sinabi ko'y wala, at wala ring pahaging

matagal pa ang pag-uwi mula NAIA
lalo't nasa lungsod na, maulan, trapik pa
ito ang nasa isip habang pababa na
tanging bitbit ay karanasa't alaala

pinagmasdan ko ang iba pang eroplano
na aming nadaanan pagkalapag nito 
maya-maya lang, tatayo na kami rito
susunduin ng bus pagbaba namin dito

halos isang oras din yaong paglalakbay
na may kakaibang natutunan ding tunay
mataas pa sa ulap, kaibang palagay
ah, pahinga muna pagkauwi ng bahay 

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqwbnfz7jT/