Huwebes, Oktubre 30, 2025

Payak na hapunan ng tibak na Spartan

PAYAK NA HAPUNAN NG TIBAK NA SPARTAN

sibuyas, kamatis at bawang pinagsama
habang tuyong hawot ay ipinirito pa
payak na hapunan ng tibak na Spartan
na nag-iisa na lang sa abang tahanan

nagsaing muna, sunod ay ang paglalaba
at naglinis din sa tinahanan ng sinta
nagkusot, nagbanlaw, labada'y pinigaan
niluto'y hawot pagkagaling sa sampayan

simpleng pamumuhay lang kasama ng masa
simpleng pagkain lang habang nakikibaka
simpleng tulâ lang ang alay sa santinakpan
simpleng buhay lang na handog sa sambayanan

tara, mga katoto, saluhan n'yo ako
sa payak mang hapunan ay magsalo-salo

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Kandilà

KANDILÀ

nagpakita / ang kandilà / sa palengke
nagparamdam / kayâ agad / kong binili
tila sinta / sa akin ay / may mensahe
h'wag daw akong / sa lansangan / magpagabi

taospusong / pasalamat / yaring alay
nadama ko / ang pagsinta / niyang tunay
may trabaho / o sa bahay / nagninilay
tila ngiti / niya'y aking / nasisilay

mamaya nga'y / magsisindi / ng kandilà
paggunita / sa maagang / pagkawalâ
ng asawang / laging nasa / puso't diwà
hanggang ngayon / nariritong / nagluluksâ

ngayong undas, / pag-alala'y / mahalaga
ako'y balo / na't walâ nang / kaparehâ

- gregoriovbituinjr.
10 30.2025

Sa pagtulâ

SA PAGTULÂ

di ko dineklarang bawat araw may tulâ
bagamat iyon na ang aking ginagawâ
inilalarawan ang samutsaring paksâ
saya, rimarim, libog, luha, lupâ, luksâ

maralita, kabataan, vendor, obrero
kababaihan, batà, magbubukid, tayo
pagtulâ na kasi'y pinakapahinga ko
mula tambak na gawain, laksang trabaho

tulâ ng tulâ, sulat ng sulat ng sulat
nagbabakasakaling ang masa'y mamulat
kumilos laban sa mga nangungulimbat
ng pondo ng bayan, mga korap na bundat

ako'y tutulâ ng nasa diwa't damdamin
tula'y tulay sa pagtulong sa bayan natin

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Pagkawalâ

PAGKAWALÂ

ngayong nawalan na / ako ng asawa
sinong mag-uulat / na ako'y nawalâ
dinukot ninuman / dahil aktibista
ika ni Gat Andres, / walâ na ngâ, walâ

tuloy pa rin ako / sa bawat pagkilos
nang masa'y mamulat / sa prinsipyong yakap
upang manggagawà / at kapwa hikahos
ay magsikilos na't / makulong ang korap

mahahalata mo / pag winalâ ako
pag tulang tulay ko'y / di na natunghayan
sa umaga't gabi / ng mga katoto
oo, tanging tulâ / ang palatandaan

may habeas corpus / nang ako'y mahanap
o kung di na buhay, / makita ang bangkay
bigyan ng marangal / na libing, pangarap 
kong tulang kinatha'y / inyo pang matunghay

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025