PAGSILIP SA BOOKFAIR
matapos pumirma ng ilang papeles
o dokumentong di ko maintindihan
sa bookfair sa Megamall muna'y sumilip
sa samutsaring libro'y di nakatiis
ito lang nama'y aking pinakabisyo
kahit di bumili, titingin ng aklat
lumang libro ng tula o kaya'y bago
anumang isyu, paksa, binubulatlat
kaysimple ng buhay ng abang makatâ
kakayod nang nais na libro'y mabili
nakakapagbasa kahit walang-wala
pagkat gawain itong kawili-wili
mabuti't nakasilip sa unang araw
ng bookfair na tatlong araw daw gagawin
nais na libro'y pag-iipunang tunay
mapurol kong diwa'y nais kong hasain
- gregoriovbituinjr.
07.01.2025
Martes, Hulyo 1, 2025
Nilay sa Fiesta Carnival
NILAY SA FIESTA CARNIVAL
kinakaya ko ang lahat
ang totoo'y di pa kaya
kunwari, kaya ko lahat
bagamat naluluha pa
kaya sa tambayan namin
ni misis ng isang beses
ay doon nagmuni-muni
ng salu-salong kaytamis
kanina, mga papeles
ay di ko maunawaan
bagamat naintindihan
ang sinabi ng kausap
di madali ang ganito
kunwari'y kinakaya ko
sa nakasamang totoo
pagpasensyahan po ako
di ko pa kaya? kaya pa?
kakayanin ko talaga
kahit na wala na siya
sana nga'y kayanin ko pa
- gregoriovbituinjr.
07.01.2025
P50 dagdag sahod sa Hulyo 18
P50 DAGDAG SAHOD SA HULYO 18
imbes na dalawang daang piso
dagdag sahod ay limampung piso
pabor ba ito sa mga grupo
ng manggagawa o ng obrero
mabuti nang may dagdag, sabi nga
ng kapitalista, kaysa wala
pabor ba ang uring manggagawa
na limos lang ang bigay na sadya
aba, ito'y sa NCR pa lang
paano ang nasa lalawigan
kaawa-awa ang kalagayan
ng mga lumikha ng lipunan
anong liit ng kanilang sahod
sa ekonomya, sila'y gulugod
likha ng likha, kayod ng kayod
kaysisipag sapatos ma'y pudpod
- gregoriovbituinjr.
07.01.2025
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 1, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)




