Sabado, Disyembre 20, 2025

Tama ang Thailand fans!

TAMA ANG THAILAND FANS!

tamâ ang Thai fans, nandayà ang Pilipinas
sa paggamit ng mga banyagà sa Gilas
na di gumagamit ng katutubong Pinoy
na tingin sa mga katutubo'y kolokoy

ginamit ay mga naturalized citizen
na di naman kabayang tumubò sa atin
para lang makapaglarô sa bansang ito
pinasok ang pagiging naturalisado

sadyang matindi ang colonial mentality
walang tiwala sa katutubo't sarili
ang mga lider ng isports sa ating bansâ
sa mga atletang banyagà nagtiwalà

para silang mga kurakot sa flood control
kitang kita na ang kanilang pambubudol
para kamtin ng bansâ ang medalyang gintô
ay di nagsikap magsanay ng katutubò

nakakahiyâ, kaytinding katotohanan
pati pala sa isports, uso ang dayaan
kayâ Thailand, mabuti't inilantad ninyo
mabuhay kayo sa pagsabi ng totoo

- gregoriovbituinjr.
12.20.2025

* ulat mula sa SportsTalkPh sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1Cf6GWfftE/ at sa JerAve 24 page sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1APyDPBWBS/  

Pagsusulat

PAGSUSULAT

nagsusulat ako anumang oras
di kung kailan lang may oras ako
di kung kailan lang handâ na ako
at di kung kailan ko lamang gusto

nagsusulat sapagkat manunulat
nagsusulat upang makapagmulat
sa masa ng anumang mabibigat
na isyung sa bayan nati'y pabigat

di ako tititig sa blangkong papel
o sa screen man ng laptop computer
kung wala pang anumang sasabihin
kung wala pang isyung nakakagigil

basta pluma't kwaderno'y nakahandâ
sa bulsa't bag, nang agad makakathâ
iyan ang katangian ng makatâ
may nalilikhâ kahit namumutlâ

- gregoriovbituinjr
12.20.2025

Bawal mapagod

BAWAL MAPAGOD

bawal mapagod ang diwà, puso't katawan
magpahinga pa rin ng madalas at minsan
habang naghahanda sa matitinding laban
sa pagsulat at pagkilos para sa bayan

matulog tayo ng walong oras, ang sabi
payò ng matatanda'y sundin araw-gabi
walong basong tubig ang inuming mabuti
katawa'y ipahinga kahit super-busy

minsan, hatinggabi'y gising pa't nagsusulat
nang musa ng panitik ay naritong sukat
antok ako'y di na pinigilang magmulat
upang likhain ang tulang may tugma't sukat

O, Musa ng Panitik, diwa ko't diwatà
pagkat likhang tula'y aking tulay sa madlâ

- gregoriovbituinjr.
12.20.2025