Linggo, Hunyo 19, 2022

Pag-ibig

PAG-IBIG

"Love is one heart in two bodies." Iyon ang nakasulat
sa munting kahon doon habang binabasa'y aklat
ng mga tula ng mga makatang mapagmulat
nakikibaka para sa kapakanan ng lahat

madalas na dalawang katawan ay nagkaniig
kaya asawa'y kabiyak ng puso pag narinig
sa ginhawa't hirap, sa saya't dusa, magkasandig
alindog ng pagsuyo'y daramhin sa bawat tindig

kabiyak ay kasangga sa daratal na pagsubok
na minsan mga puso lamang ang nakakatarok
di man ibuka ang bibig, madarama ang udyok
ng laman at nasang nais makaraos sa rurok

O, pag-ibig, ang kapangyarihan mo'y mahiwaga
na sa tulad kong sumisinta, sa laban ay handa
abutin man ng tabsing sa dagat o kaya'y sigwa
gagawin ang lahat upang di ka mabalewala

- gregoriovbituinjr.
06.19.2022

Aklat

AKLAT

natsambahan ko lang itinitinda sa bangketa
ang isang pambihirang aklat sa literatura
aba'y bente pesos ko lang nabili, murang-mura
kayraming kwento, kayraming tula, kaaya-aya

minsan talaga, kahit di ka sa bookstore maghanap
ay may magaganda ka ring librong mahahagilap
nabili sa isang komunidad ng mahihirap
dalawang daang pahina, diwa'y kikisap-kisap

sa munti kong aklatan, ito na'y collector's item
sa mga libreng oras ay tiyak kong babasahin
lalo sa panahon ng pagninilay o panindim
na sa guniguni'y tulay sa liwanag at dilim

may kwento, makukulay na larawan, mga tula
binili bilang suporta rin sa mga makata
tingni ang pabalat, aklat ay may gawad pang sadya
ibig sabihin, kinikilala ito ng madla

tanging masasabi'y taospusong pasasalamat
sapagkat natsambahan itong pambihirang aklat
na binigyang gawad pa ay Unyon ng Manunulat
sa Pilipinas o UMPIL, na samahang mabigat

- gregoriovbituinjr.
06.19.2022

* litrato ng pabalat ng HEIGHTS, ang opisyal na pampanitikang publikasyon ng Ateneo de Manila University, Tomo LVII, Blg. 1, taon 2010

Bayani

BAYANI

bayani ang ating mga ama
kaya pagpugayan natin sila
sa mga nagawa sa pamilya
minahal ang anak at si ina

si Rizal, ating bayaning tunay
na sa bayan, buhay ay inalay
at bayani rin ang mga tatay
na buhay sa pamilya inalay

Rizal, pambansang bayani natin
tulad ng bayaning tatay natin
ang lahat ay kanilang gagawin
upang magandang bukas ay kamtin

kay Rizal at sa lahat ng tatay
salamat sa buhay ninyong alay
kami'y taospusong nagpupugay
sa inyo po, mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.19.2022

* mga litrato mula sa google