Huwebes, Enero 27, 2022

Pagkatha

PAGKATHA

wala mang magbasa o makinig
sa kinatha kong kaibig-ibig
ang katawan ko'y di manginginig
kahit nasa landas ng ligalig

ganyan ko ituring ang pagkatha
mailabas lang ang nasa diwa
di ko damang nababalewala
kahit naritong nakatulala

wala mang makinig o magbasa
sa mga tula kong walang lasa
buod ay mananamnam din nila
malalasahan din pag binasa

tinta man sa papel ay kumalat
mukhang balewala man ang lahat
masaya na akong makasulat
habang pinaghihilom ang sugat

- gregoriovbituinjr.
01.27.2022

Selfie

SELFIE

noon, aayaw-ayaw mag-selfie 
pagkat di raw kasi mapakali
bakit ngayon ay paselfie-selfie?
gwapo na ba'ng tingin sa sarili

kung ano-ano na'y naiisip
buti't hininga'y di nagsisikip
may problema kayang halukipkip?
o sa mundo'y tila naiinip?

o baka naroon lang sa lungga?
ginagawa'y lagi nang kumatha
ang pluma'y nagkakalat ng dagta
sa papel ng sangkaterbang tula

o isa lang itong kabaliwan
ng isang makatang di uliran
hinahagilap lagi kung saan
ang mga katagang di malaman

aba'y mayroon na kasing selpon
may kamera na sa loob niyon
nire-record ko lang ang kahapon
at baka ubanin na paglaon

nagkakataon lang may kasama
sa likod, may advertisement pala
noon nga'y bihirang magpakuha
at ngayon na lang nang may kamera

- gregoriovbituinjr.
01.27.2022