Miyerkules, Abril 5, 2023

Pag nagising ng dis-oras ng gabi

PAG NAGISING NG DIS-ORAS NG GABI

karaniwan, napapaaga ng tulog sa gabi
ikapito o ikawalo'y pipikit na dine
upang gumising lamang sa ganap na alas-dose
upang magmuni-muni at tumitig sa kisame

o kaya't tulog ng ikasiyam o ikasampu
upang madaling araw ay gigising, may nahango
na namang paksa habang tulog, dapat nang humayo
muli't kakatha, naninibugho o sumusuyo?

maagang matulog upang ipahinga ang isip
at katawan sa maghapong gawaing nalilirip
gigising sa hatinggabing animo'y naiinip
isulat ang binulong ng mutya sa panaginip

katawa'y nagpapahinga, ngunit gising ang diwa
isusulat agad ang paksa upang di mawala
ilang kataga, pangungusap, o maging talata
na sa diwa'y nag-uumalpas, nais kumawala

kaya naritong nagsusulat, madalas mapuyat
na pag sa tanghali'y inaantok, nakamulagat
pagkat gabi'y ginigising ng diwata sa gubat
upang akin daw kathain ang bulong na alamat

- gregoriovbituinjr.
04.05.2023

Pagpupugay kay Eduard Folayang

PAGPUPUGAY KAY EDUARD FOLAYANG

taas-kamaong pagpupugay kay Eduard Folayang
na "one of the greatest Filipino athletes of all time",
mixed martial artist, dalawang ulit nagkampyon sa One
Championship, at isang wushu practitioner din naman

mula sa Mountain Province, kababayan ng misis ko
sa Team Lakay nga'y matagal din siyang naging myembro
siya'y guro sa hayskul bago mag-Team Lakay Wushu
sa pakikipaglaban ay talagang praktisado

may medalyang ginto sa 2011 Asian Games
may medalyang pilak din sa 2006 Asian Games 
medalyang tanso sa 2002 Busan Asian Games
multi-medal siyang atletang Pinoy sa Asian Games

sa University of the Cordilleras nagtapos
paksang English at P.E. ay nagturo siyang lubos
ngunit pangarap niya'y martial arts, puso'y nag-utos
kaya ito ang pinasok, kamay niya'y pang-ulos

kaya muli, kami'y taas-kamaong nagpupugay
kay Eduard Folayang, mixed martial artist na kayhusay
sa mga laban nga niya'y kayraming sumubaybay
kaya kay Eduard Folayang, mabuhay ka! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
04.05.2023

Pagbabasa ng mga kwento

PAGBABASA NG MGA KWENTO

may ilang libro ng kwento pala akong naipon
kaya gagawin ko sa ilang araw na bakasyon
ay pagbabasa imbes na kung saan maglimayon
na sa pagsulat ng kwento'y pagsasanay din iyon

upang mapaganda pa yaong mga kwentong akda
tulad ng demolisyon at ebiksyong aming paksa
na nalalathala sa Taliba ng Maralita
na opisyal na publikasyon ng samahang dukha

upang mapahusay ang kwentong pangkapaligiran
na nalalathala sa Diwang Lunti, pahayagan
hinggil sa mahahalagang isyung pangkalikasan
na dapat nating maibahagi sa sambayanan

upang makalikha ng kwento hinggil sa obrero
paksang uring manggagawa versus kapitalismo
kontraktwal na manggagawa'y dumaraming totoo
at manggagawang regular ay lumiit nang todo

at kung sa pagkatha ng mga kwento'y nasanay na
ang sunod kong puntirya'y makalikha ng nobela
di man Noli at Fili ay babasahin ng masa
dahil ito'y pagbaka na sa bulok na sistema

adhikain ng tulad kong makata't manunulat
ang makakatha ng kwento't nobelang mapagmulat
kaya magbasa muna ng mga kwento sa aklat
at estilo rin ng mga awtor ay madalumat

- gregoriovbituinjr.
04.05.2023