Lunes, Hulyo 13, 2020

Pagtatanim ng talong sa karton ng gatas

kanina'y nagtanim ng talong sa karton ng gatas
lalagyang karton na nilagyan ko naman ng butas
ginupit ang isang bahaging ngayon nakabukas
nilagyan ng lupa't pataba, kaygandang mamalas

sa lupa't patabang pinaghalo'y aking tinanim
ang binhi ng talong habang langit ay nagdidilim
may nagbabadyang unos, alapaap ay maitim
sana'y lumago ang talong nang walang paninimdim

kartong lagayan ng gatas na imbes ibasura
ay gamitin upang tamnan ng talong na kayganda
balang araw ay may aanihin, kaysarap pala
sa pakiramdam, at di magugutom ang pamilya

habang lockdown pa'y halina't magtanim-tanim tayo
sa karton, lata ng sardinas, o plastik na baso
sa walang lamang lalagyan imbes ibasura mo
para sa kinabukasan ay may anihing totoo

- gregbituinjr.


Nagpalitada ng hagdan

dapat talagang naeehersisyo ang katawan
at ngayon naman ako'y nagpalitada ng hagdan
habang nasa lockdown, patulong-tulong pa rin naman
sa munting gawain man ay maraming natutunan

sa gawaing pagpapanday nga'y may nadamang saya
lalo't tubig, buhangin, at semento'y pinagsama
sa munting karanasan, may munting tula tuwina
na balang araw, sa mga apo'y maibibida

pinanood ko noon ang pagpalitadang ito
na namasdan paano ginawa ng karpintero
kaya nais ko ring gawin ay talagang pulido
upang kahit ang sarili lang ay mapahanga ko

dapat gagawing hagdan ay pantay na pantay, patag
upang kalooban ng umapak dito'y panatag
marahil, tagumpay ako rito't di matitinag
at ito'y masisira lang pag sinadyang tinibag

- gregbituinjr.

Pagkadulas

kaninang umaga ako'y biglang nadulas
dahil sa kawalang ingat ay nadupilas
nawalan ng balanse, braso'y nagkagasgas
gising na'y baka tulog pa, papungas-pungas

dapat laging mag-ingat, bilin sa sarili
lalo't nag-iisip, parang di mapakali
kwarantinang ito'y di na kawili-wili
walang maitulong sa bayan, tila bingi

buti pang naging frontliner noong una pa
sa kapwa tao'y baka nagbigay pag-asa
kaysa ngayong masakuna ng walang kwenta
o mensahe ito ng parating pang grasya

mag-ingat, kagabi nga'y kaylakas ng ulan
madulas ang lupa, lakad ay pag-ingatan
tiyaking gising na't di tulog ang isipan
maghilamos bago pumuntang palikuran

- gregbituinjr.