Miyerkules, Nobyembre 23, 2016

Katarungan sa limampu't walo

KATARUNGAN SA LIMAMPU'T WALO
(sa ikapitong anibersaryo ng Maguindanao massacre, Nobyembre 23, 2016)

nang dahil sa angkin nilang kapangyarihan
karibal sa pulitika ang tinambangan
ginahasa pa ang mga kababaihan
pati mga dyornalista'y pinagpapaslang
mistulang dagat ng dugo ang lupang tigang

biktima'y tatlumpu't dalawang dyornalista
at pamilya ng kalaban sa pulitika
may mga sibilyan ding sadyang nadamay pa
inubos ngang lahat ang mga pinuntirya
doon sa Maguindanao, walang itinira

buga ng baril yaong ipinasalubong
hanggang laksang dugo sa lupa'y dumaluyong
pinagsasagpang sila ng lilo't ulupong
sa mga maysala'y di sapat iyang kulong
totoong hustisya'y dapat nilang masumpong


- gregbituinjr.

Tula alay sa FIND

SA ANIBERSARYO NG FIND
(alay sa ika-31 anibersaryo ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance, Nobyembre 23, 2016)

tanging handog sa inyo ng abang makata
ay pawang tula lamang na sariling katha
pakikipagkaisa sa puso nyo't diwa
laban sa inhustisyang sa inyo'y ginawa

mga mata ma'y nakatitig sa kawalan
ang diwa'y binubutingting ng kaigtingan
ng kaganapang di mawari sa isipan
lalo't mahal nyo'y di pa rin natatagpuan

makata ma'y nakatingala sa bituin
upang mga kataga'y pagtagni-tagniin
para sa inyo, tula'y agad kakathain
bilang ambag sa layunin nyo’t simulain

bilin sa atin ni Rizal doon sa Fili
huwag kalilimutan, di man tayo saksi,
ang mga nangabulid sa dilim ng gabi
lalo't buhay nila'y inalay sa mabuti


- gregbituinjr.

Sa ika-31 anibersaryo ng FIND

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG FIND, NOBYEMBRE 23, 2016
(alay na soneto sa Families of Victims of Involuntary Disappearance o FIND)

di ko alam kung taas-kamaong pagbati
o kamaong kuyom na pagdadalamhati
ang isasalubong ko sa inyong pighati
kundi munting paggunitang may halong hikbi

sabi nyo nga, "Buti pa si Marcos, may bangkay!"
sa Libingan ng Bayani, siya'y nahimlay
nakaragdag ito sa poot ninyo't lumbay
habang di makita ang mahal nyo sa buhay

dama po namin ang inyong pagkasiphayo
at iwing puso'y narito ri't nagdurugo
kailan makikita ang mga naglaho
asam na hustisya nawa'y makamtang buo

nawa'y makita na ang nawawalang mahal
at katarungan nawa sa inyo'y dumatal


- gregbituinjr.