Biyernes, Pebrero 17, 2023

Sa simbahan ng Llavac

SA SIMBAHAN NG LLAVAC

elementary school ang una kong tinulugan
sa Llavac noong unang Lakad Laban sa Laiban Dam
akala ko'y doon muli, ngayon na'y sa simbahan
ikalawang pagtulog ko sa Llavac, kainaman

ginagawa ang simbahan, at sa semento muli
kami naglatag ng banig, at aking winawari
na lakarang ito'y isang pagbabakasakali
kaysa tiklop lang ang tuhod, ipaglaban ang mithi

sa ganito ko nakikita ang aming layunin
mabuting kumilos kaysa lahat lang ay tanggapin
itigil ang Kaliwa Dam, kaylinaw ng mithiin
sumama sa lakad na may dakilang adhikain

nakataya ang kalikasan at lupang ninuno
nakataya ang buhay at bukas ng katutubo
pag nagawa ang dam ay matataboy sa malayo
baka pagkatao't kultura'y tuluyang maglaho

maginaw ang buong gabi't umuulan sa labas
may bagyo ba, tikatik ng ulan ay lumalakas
kailangan naming magpahinga upang may lakas
pagkat malayo pa ang lalakarin namin bukas

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa simbahan ng Barangay Llavac, Real, Quezon

300

300

tila kami mandirigmang langgam
tatlong daang kawal laban sa dam
naglalakad na ang tanging asam
ay di matuloy ang Kaliwa Dam

buhay ang taya kaya tumutol
lupang ninuno'y pinagtatanggol
laban sa imbi, kuhila't ulol
na bulsa lang ay pinabubukol

kaya patuloy ang aming hiyaw
ang pagtutol sa dam ay kaylinaw
pag natuloy, parang may balaraw
sa likod ang tumarak, lumitaw

sa lakaran, malinaw ang pakay
na sadyang napakalaking bagay
ipagtanggol ang bukas at buhay
iyan ang aming adhikang lantay

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha sa pinagpahingahang simbahan sa Brgy. Llavac, Real, Quezon, kasama ang makatang gala sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

Lugaw, sambalilo, tsinelas at kapote

LUGAW, SAMBALILO, TSINELAS AT KAPOTE

madaling araw ay nagising at umihi
ang lamig ng semento'y tagos ng masidhi
banig lang ang pagitan, ako'y hinahati
sakaling magkasakit ay di ko mawari

ikaanim ng umaga'y nais magkape
bago magkanin ay naglugaw muna kami
mayroong tsinelas, sambalilo't kapote
binigay nang maprotektahan ang sarili

ehersisyo muna sa Barangay Tignoan
doon sa covered court na aming tinuluyan
kaylakas ng hangin, talagang kabundukan
nilabhan nga nami'y natuyo agad naman

di ko alintana gaano man kahaba
ang kilo-kilometrong lalakaring sadya
mula General Nakar patungong Maynila
para sa isyu, ang pagod ay balewala

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha sa umaga ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, ikapito ng umaga ay nag-umpisang muli ang lakaran

Layon ko


LAYON KO

naglakad ako para sa panitikan
isa iyan sa layon ko sa lakaran
sariling kayod para sa panulaan
na larangang aking pinagsisikapan

naglakad ako para sa katutubo
nang buhay at bukas nila'y di maglaho
naglakad din para sa lupang ninuno
dahil kapwa Pilipino at kadugo

tanto kong di ako magaling bumigkas
ng mga taludtod sa anyong madulas
ngunit sa mukha ko'y inyong mababakas
kung paano bang sa pagtula'y matimyas

totoo namang ako'y nagboluntaryo
upang makasama sa lakarang ito 
pagkat dama kong katutubo rin ako
at kaisa ng Dumagat-Remontado

sumama sa Lakad Laban sa Laiban Dam
na ilang taon na ang nakararaan;
sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam
ngayon ay sumama sa kanilang laban

nawa'y magtagumpay ang aming adhika
na Kaliwa Dam ay matutulang sadya
pagkat sa Kaliwa Dam ang mapapala
ay pawang ligalig, kamatayan, sigwa

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha ng madaling araw sa aming tinulugang covered court sa Brgy. Tignoan, Real, Quezon
* kasama ang makatang gala sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam