Martes, Setyembre 15, 2020

Isa nang misyon ang pag-eekobrik

parami ng parami ang mga basurang plastik
wala bang katapusan ang paglalambing ng lintik
kaya ako'y patuloy pa rin sa pag-eekobrik
di rin ito matatapos hangga't may isisiksik

di dapat natitigil kaya dapat may gumawa
lalo't pagsagip sa kalikasan yaring adhika
kayhirap ding mag-ekobrik, baka di ka matuwa
ang misyong ito'y dapat nasa iyong puso't diwa

ang pag-eekobrik ko'y di pampalipas-oras lang
ayoko kasing pulos salita ng salita lang
nais kong makitang may ginawa't pinagpawisan
may produktong ekobrik na sadyang pinagsikapan

plastik lang iyan, basura, bakit mo iniipon
tanong ng isa sa kabaliwan ko raw na iyon
ngunit kung sa laot, mga plastik na'y nilalamon
mabuting nag-eekobrik, ito na'y aking misyon

- gregoriovbituinjr.

Nagkalintog dahil sa gunting

madalas ding kasama ang lintog sa sakripisyo
dahil sa pagkadikit ng gunting sa daliri ko
habang nageekobrik, gupit doon, gupit dito
upang nagupit sa bote'y maisiksik ng todo

maglintog man sa daliri'y patuloy sa paggawa
na para sa kalikasan animo'y mandirigma
na sa labanan anumang sugat ay balewala
nasa gitna man ng sagupaang di humuhupa

tumalima agad nang kalikasan na'y humibik
mga isda raw sa laot, kinakain na'y plastik
kanal na'y nagbabara't lansangan na'y nagpuputik
kaya heto't kinakampanyang tayo'y mag-ekobrik

magkalipak man sa palad sa pag-ekobrik niyon
magkalintog man sa daliri sa gawaing iyon
balewala ang sugat basta't makamit ang layon
na para sa kalikasan ay gagawin ang misyon

- gregoriovbituinjr.

* lintog - tagalog-Batangas sa paltos
* lipak - tagalog-Batangas sa kalyo

Ilang tanaga sa pagkilos

1
paano maghimagsik
laban sa laksang switik
dukha'y dapat umimik
huwag patumpik-tumpik
2
sabik ang lumaban
itaob ang gahaman
palitan ang lipunan
at magsilbi sa bayan
3
panlipunang hustisya
ang pangarap tuwina
kaya nakikibaka
para sa dukha't masa
4
mabuhay ang obrero
nakibakang totoo
misyon ay sosyalismo
para sa ating mundo
5
halina't magsikilos
mga kapwa hikahos
at palayaing lubos
ang bayang binusabos
6
babae'y minamahal
di dapat binubuntal
di dapat sinasakal
ng taong nagmamahal
7
pag dukha’y hinahamak
ay gawaing di tumpak
pag ang lider ay tunggak
ay dapat lang ibagsak

* tanaga - katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng setyembre 1-15, 2020, pahina 20