Biyernes, Abril 15, 2022

Paglilingkod

PAGLILINGKOD

isyu ng bayan ang talagang dapat salalayan
ng paglilingkod para sa kapakanan ng tanan
bakit di isyu ng trapo't elitistang gahaman?
dahil di negosyo ang maglingkod sa sambayanan

mabuting pamamahala, trabaho, edukasyon
pantay na sahod ng manggagawa sa buong nasyon
kalusugan at karapatan, pangunahing layon
pag kamtin, balang araw, kami sa inyo'y lilingon

di lang usapin ang pagbangon ng agrikultura
kundi kagalingan din ng buhay ng magsasaka
at ng manggagawang nagpaunlad ng ekonomya
ng bayan, nawa'y kamtin ang panlipunang hustisya

O, Kandidato, sa Kongreso man o sa Senado
gobernador o meyor ng lungsod o probinsya n'yo
sa sambayanan sana'y maglingkod kayong totoo
di sa kapitalista, di sa elitista't trapo

kung sakaling kayo'y manalo, gawin ang marapat
sa mamamayan kayo'y magsilbing tunay at tapat
di para sa interes ng ilan kundi ng lahat
dahil diyan kami sa inyo'y magpapasalamat

- gregoriovbituinjr.
04.15.2022

Leyon

LEYON

minsan, katulad ko'y umaangil na leyon
sa harapan ng sumisingasing na dragon
kung lumaban, nag-iisip ng mahinahon
upang bayan ay makasama sa pagbangon

haharapin anumang dumatal na sigwa
at paghahandaan ang darating na digma
kakabakahin ang trapo't tusong kuhila
na sa bayan ay mang-aapi't kakawawa

habang sinusuri ang sistemang gahaman
bakit laksa'y dukha, mayaman ay iilan
pinagpala lang ba'y iilan sa lipunan?
aba'y dapat baguhin ang sistemang ganyan!

itayo ang isang lipunang makatao
para sa lahat, dukha man sila't obrero
lingkod bayan ay di sa trapo magserbisyo
kundi sa sambayanan, karaniwang tao

buhay ko na'y inalay para sa pangarap
lipunang patas, di lipunang mapagpanggap
baguhin ang sistema't iahon sa hirap
ang madla't sama tayong kumilos ng ganap

dignidad ng tao ang siyang pangunahin
upang panlipunang hustisya'y ating kamtin
ang dignidad ng paggawa'y iangat natin
ito'y sadyang pangarap na dapat tuparin

- gregoriovbituinjr.
04.15.2022

Nilay

NILAY

nang minsang naglakbay sa kaparangan ng salita
yaring diwa'y nagkatiyap ang atas at adhika
tungo sa lipunang patas at makamanggagawa
di na kalunos-lunos ang kalagayan ng dukha

minsan nga'y di makahuma pag nawatas ang nilay
sa paglusong sa bahang basura'y natutugaygay
para bang nasa karagatan ng lumot ng lumbay
o kaya'y nililipad sa hangin ang diwang tunay

payak na pangarap upang umahon sa kahapon
habang mga ibon sa punong mangga humahapon
nilay mula bukangliwayway hanggang dapithapon
habang binabasa'y digmaan ng bayan at Hapon

patuloy kong pinaglalaban ang malayang bukas
nakikibaka para sa isang lipunang patas
iyon man sa buhay na ito'y matupad ng wagas
ay masaya na ako sa misyong sa akin atas

- gregoriovbituinjr.
04.15.2022

KaLeWa

KALEWA

isang lider-manggagawa, KA LEody de Guzman
at WAlden Bello, propesor, aktibistang palaban
mahuhusay na lider, pambato ng sambayanan
silang ating kasangga, ipanalo sa halalan

di makakanan, KaLeWa - Ka Leody at Walden
na bagong pulitika naman ang dala sa atin
di trapo, di elitista, sila'y kauri natin
sistemang pantay, lipunang patas ang adhikain

baguhin ang sistemang bulok ang kanilang misyon
makakanang sistemang diktador, tapusin ngayon
kamtin ang hustisyang panlipunan ang nilalayon
wawakasan din ang salot na kontraktwalisasyon

wawakasan pati neoliberal na sistema
kung saan patuloy na bundat ang kapitalista
habang pahirap ng pahirap ang buhay ng masa
misyon ng KaLeWa ay dapat matupad talaga

para sa uri, para sa bayan, para sa bansa
para sa magsasaka, manininda, manggagawa
para sa kababaihan, kabataan, at dukha
tara, ating ipanalo ang tandem na KaLeWa

- gregoriovbituinjr.
04.16.2022