Sabado, Mayo 17, 2008

Ang Lipunan

ANG LIPUNAN
tula ni Greg Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Lipuna’y di mamamatay
Kung kapitalista’y wala;
Lipuna’y di mabubuhay
Kapag walang manggagawa.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Anim na Dalit sa Katotohanan

ANIM NA DALIT SA KATOTOHANAN
ni Greg Bituin Jr.

1
Pangulo ma’y sinungaling
Pulitiko ma’y balimbing
Gabinete’y pulos hangin
Baya’y di dapat humimbing.

2
Nais ko’y katiwasayan
Dito sa mahal kong bayan
Kaya’t ating ipaglaban
Ay pawang katotohanan.

3
Lozada’y muntik mamatay
Ngunit nagpasyang mabuhay
Upang kanyang masalaysay
Yaong pangyayaring tunay.

4
Mga Kasinungalingan
Ay dapat nating labanan
At itong katotohanan
Ay ilantad ng tuluyan.

5
Bungo ang pamahalaan
Buto’t kalansay ang bayan
Dahil maraming gahaman
Kawawa ang mamamayan.

6
O kilos na sambayanan
Baguhin itong lipunan
Dalhin ang mga gahaman
Patungong huling hantungan.

Lovetexts

Lovetext 1:
Ikaw ang liwanag sa buhay na mapanglaw
Sa tulad kong lagalag sa mundong ibabaw
Ikaw ay matatag na sa aki’y tumanglaw
Sa maghapo’t magdamag, nais ko’y ikaw.

Lovetext 2:
Ikaw lang ang tanging sa puso ko’y nakalaan
Payapa man ang mundo o may digmaan
Panata ko’y di ka iiwan
Makaharap ko ma’y si Kamatayan.

Lovetext 3:
Kung ikaw ay bulaklak, isa kang rosas
Kung ikaw ay ibon, isa kang kalapati
Kung ikaw ay alak, isa kang basi
Kung ikaw ay damdamin, ikaw ay pag-ibig

Kami ang mga Tupang Pula

KAMI ANG MGA TUPANG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

kami’y mga tupang pula
mga pulang tupa kami
kaming mga aktibista

hindi kami tupang itim
na perwisyo sa magulang
at hindi rin tupang puti
na sunud-sunuran na lang
sa anumang kagustuhan
ng aming mga magulang

kami’y mga tupang pula
na palaging nakahanda
upang ipaglaban itong
kapakanan ng dalita

di kami nananahimik
sa bawat isyung dumatal
lalo na’t ito’y problemang
sambayanan ang kawawa

patuloy kaming kikilos
buhay man nami’y ialay
hanggang tuluyang mawasak
itong bulok na sistema

kami’y mga tupang pula
mga pulang tupa kami
kaming mga aktibista

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Kung Paano Gumawa ng Tula

KUNG PAANO GUMAWA NG TULA
ni Greg Bituin Jr.

Sa tuwina’y pinipiga ko ang aking utak
Upang makagawa ng mga bersong
Magpapaalimpuyo sa mga tulog
Na damdamin ng uring api.
Tula

Habang binabati ko ang aking utak
Ay nilalabasan ito ng mga lansa’t katas
Ng diwang di mapakali sa nangyayari
Sa kasalukuyang lipunan.
Paglaya

At sa rurok ng pinigang utak
Ay pumupulandit ang himagsik
Laban sa mga mapanupil
Na alagad ng tubo’t kapital.
Katarungan

Ngunit masarap salsalin ang utak
Upang sa pagbubuntis ng diwa
Ay manganak ito sa sangmaliwanag
Ng adhikaing pagbabago.
Rebolusyon.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Enero 21, 1924 - sa biglang pagpanaw ni V.I.Lenin

ENERO 21, 1924
(sa biglang pagpanaw ni V. I. Lenin)
tula ni Greg Bituin Jr.

Siya ang rebolusyon
kaya kinainggitan ng Hudyong
ngala’y Dora Kaplan na nagbaon
sa kanyang leeg ng isang punglong
pamatay, makalipas ang isang taon
ng tagumpay ng pag-aaklas
mabuti’t siya’y nakaligtas

Nunit siya, na nagsilbing
ningas sa mga Bolsheviks
upang mag-aklas sa Pulang Oktubre
at maitayo ang Unyon ng Sobyet
ay di nakaligtas sa ikatlong atake
ng sakit sa puso doon sa Gorki
na isang bayan sa labas ng Moscow

Panahon iyon ng panibagong Commune
na agad na sinaklot ng dilim
sa kanyang dagliang pagkawala
ngunit siya, ang rebolusyon,
ay mananatiling buhay
sa pamamagitan ng apatnapu’t
limang tomo ng kanyang mga akda.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Pebrero 6, 2001 - sa pagpaslang kay Ka Popoy


PEBRERO 6, 2001
(sa pagpaslang kay Ka Popoy Lagman)
ni Greg Bituin Jr.

nagbabaga ang takipsilim
ng Pebrero sais na yaon
nagdugo ang araw sa kanluran
tumatangis, nagngangalit
iyon ang Pebrero sais
ng lahat ng Pebrero sais


ang mga manggagawa’t
maralita’y nagdalamhati,
ang mga kababaihan
at kabataa’y nagluksa
kahit mga ibon sa papawirin
ay humuni ng pagluha
habang humahalakhak
ang mga buwitre
at siyang-siya

nagmarka ang pangyayaring yaon
at sumugat sa pakikibaka
ng mga obrero at ang pilat
na nilikha niyon ay humihiyaw
ng pagbangon at pagpapatuloy
ng nasimulang laban

at tulad ng binhing natuyo,
nalibing sa lupa, at tumubo
bilang isang matatag na punong
di basta-basta mabubuwal,
ang pagkatanim ng kanyang
kalansay sa lupa’y
nagpapahayag
ng muling pagsilang,
paglago, at muling paglawak
ng kilusang manggagawa upang
tuluyang burahin ang mga buktot
na mamumuhunan at mga burgis
at naghahari-harian sa lipunan

iyon ang Pebrero sais
ng lahat ng Pebrero sais
pagkat sa araw na iyon
pinaslang
          ang dakilang proletaryo

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Marso 14, 1883 - sa huling sandali ni Karl Marx

MARSO 14, 1883
(sa huling sandali ni Karl Marx)
ni Greg Bituin Jr.

Nakatulog ng mahimbing ang maestro
sa paborito niyang upuan

Siya ang maestro na nagpakilala sa atin
ng makauring tunggalian
upang ang kapanglawang dulot ng kapital
ay mapawi ng liwanag
tungo sa paglaya ng uring manggagawa

Siya, na ipinagmalaki
ang tagumpay ng Komyun ng Paris
at umakda ng Das Kapital,
ay pumanaw na mahirap ngunit mayaman
sa pamanang kaisipan
para sa manggagawa ng buong daigdig

Ang panawagan niyang
“Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa
pagkat walang mawawala
kundi ang tanikala ng inyong pagkaalipin”
ay buhay na buhay
sa kasalukuyang panahot ng salot
na globalisasyon

Nakatulog na ng mahimbing ang maestro
doon sa paborito niyang upuan
upang di na gumising magpakailanman

At sa himlayang Highgate sa Londres
kapiling ng namayapang maybahay,
ang katawang pagal ng dakilang maestro’y
tuluyan nang namahinga

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Ilang Tula ng Pag-ibig

ILANG TULA NG PAG-IBIG

ni Greg Bituin Jr.



O, AKING SINTA

(8 pantig)



Puso ko ay matiwasay

Pagkat minahal mong tunay

Ikaw ay walang kapantay

Pag-ibig nati’y makulay.



Pagmamahal ko’y dalisay

Lagi pang buhay na buhay

Pag ganda mo’y sumisilay

Ako nga’y patay na patay.



Pag ikaw sa’ki’y nawalay

Tiyak ako’y mananamlay

Dahil wala na ang gabay

Sa nag-iisa kong buhay.



MANDIRIGMA

(12 pantig)



Mandirigma akong handa sa labanan

Di umuurong sa anumang larangan

Sa rebolusyon maging sa pag-ibig man

Hanggang sa dulo kita’y ipaglalaban

Pagkat dyosa ka ng puso ko’t isipan.



ONE-WOMAN MAN

(12 pantig)



Sa puso ko’y isa lang ang paraluman

Na aking mamahali’t aalagaan

Pag nalasap ko’y matinding kabiguan

Mabuti pang pasagpang kay Kamatayan.



PANGARAP KITA

(8 pantig)



Ako’y di lang mandirigma

Isa rin akong makata.

Bakit ako mangangamba

Na sabihing mahal kita

Ikaw ang tangi kong musa

Pangarap ko’y ikaw, sinta.



AKO’Y NALULUMBAY
(6 pantig)

Ako’y nalulumbay
Pag di ka nakita
Laging nananamlay
At natutulala
Tila ako patay
Nasaan ka, sinta
Ako’y mabubuhay
Pag nasilayan ka
Para sa masa at sinisinta.