MARSO 14, 1883
(sa huling sandali ni Karl Marx)
Nakatulog ng mahimbing ang maestro
sa paborito niyang upuan
Siya ang maestro na nagpakilala sa atin
ng makauring tunggalian
upang ang kapanglawang dulot ng kapital
ay mapawi ng liwanag
tungo sa paglaya ng uring manggagawa
Siya, na ipinagmalaki
ang tagumpay ng Komyun ng Paris
at umakda ng Das Kapital,
ay pumanaw na mahirap ngunit mayaman
sa pamanang kaisipan
para sa manggagawa ng buong daigdig
Ang panawagan niyang
“Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa
pagkat walang mawawala
kundi ang tanikala ng inyong pagkaalipin”
ay buhay na buhay
sa kasalukuyang panahot ng salot
na globalisasyon
Nakatulog na ng mahimbing ang maestro
doon sa paborito niyang upuan
upang di na gumising magpakailanman
At sa himlayang Highgate sa Londres
kapiling ng namayapang maybahay,
ang katawang pagal ng dakilang maestro’y
tuluyan nang namahinga
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento