Huwebes, Mayo 23, 2024

Pagsagupa

PAGSAGUPA

Poetry should also contain steel and poets should know how to attack. ~ Ho Chi Minh

kabilin-bilinan ni Ho Chi Minh
na tila nagsalita sa akin
dapat mayroong bakal ang tula
at makata't alam sumagupa
si Ho Chi Minh, lider ng Vietnam,
na sa mga Kano ay lumaban
Amerika'y kanilang tinalo
nang sa laban ay sumuko ito
at bilang isang makatang tibak
handa akong gumapang sa lusak
at patuloy na nakikibaka
para sa karapata't hustisya
maitayo ang lipunang patas
umiral ay sistemang parehas

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* selfie ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani

Tarang maghapunan

TARANG MAGHAPUNAN

payak na hapunan ng tibak na Spartan
pais na bangus, dahon ng sibuyas, bawang,
pati kamatis, pampalakas ng katawan
mumurahin mang gulay, mabubusog naman

ganyan madalas pag mag-isa lang sa bahay
at di pa umuuwi ang mutyang maybahay
batid niyang hilig ko lang ay isda't gulay
na may bitamina at mineral na taglay

pag walang pagkilos, nagkukulong sa silid
magsusulat, magsusuri, may binabatid
sa mga isyu ng sektor ng sagigilid
nang tinig nila'y mapalakas, di maumid

payak man ang ulam, maghapunan ta ngayon
upang sa pagtulog, di makadamang gutom

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* litratong kuha ng makatang gala

Ipasa ang klase

IPASA ANG KLASE

sabi nila, mag-aral kang maigi
upang kinabukasan mo'y bumuti
kaya huwag mong ibagsak ang klase
ginawa nila lahat ng diskarte
upang umahon sa pagiging pobre

lalo't magulang mo'y todo ang kayod
pinagkakasya ang mababang sahod
minsan, sa amo pa'y naninikluhod
nang makabale't may maipamudmod
sa anak na sa pag-aaral lunod

kapitalismo kasi ang sistema
na ang edukasyon ay bibilhin pa
dapat pag-ipunan ang matrikula
kayod-kalabaw sina ina't ama
pahalagahan mo ang hirap nila

pag sistemang bulok ay napalitan
at naging makatao ang lipunan
edukasyon ay di na kalakalan
di tubo ang misyon ng paaralan
kundi kagalingan ng mamamayan

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Sinong pipigil sa matatandang nagmamahalan?

SINONG PIPIGIL SA MATATANDANG NAGMAMAHALAN?

kahit pa matatanda na sila'y nagmamahalan
ayon sa inilathala ng isang pahayagan
anang babae, mahirap daw mag-isa sa buhay
lalo't anak ay may kanya-kanyang pamilyang taglay

siya'y biyuda't tanging naiiwan sa tahanan
kaya nadarama'y kahungkagan at kalungkutan
hanggang sa kanya'y may balo rin namang nanliligaw
upang sumaya, dito'y may bukas na natatanaw

di ba't wala naman sa edad kung nais umibig
lalo na't ang puso sa isa't isa'y pumipintig
sa dalawang umiibig, sinong makapipigil
wala, kahit na sa edad, sila'y di pasisiil

muli, bigyan nila ng pagkakataon ang puso
na maranasang muli ang asukal ng pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* mula sa isang lathalain sa pahayagang Bulgar, 05.20.2024, p.9