Biyernes, Hulyo 12, 2024

Platitong hugis dahon

PLATITONG HUGIS DAHON

napa-Wow sa platitong nabili ni misis
sa isang palengkeng binilhan din ng walis
habang ako nama'y kumakain ng mais
aba'y tingni, anong ganda't dahon ang hugis

marahil gumawa'y environmentalista
o ito'y pakulo lang ng negosyo nila
subalit anumang dahilan ang makita
hugis ng platito'y isa nang paalala

pangalagaan natin ang kapaligiran
lalo't mga magsasakang nahihirapan
upang pakainin ang buong daigdigan
kung walang magsasaka ay walang palayan

kaya salamat sa platitong hugis dahon
di lang siya platito kundi isang misyon
tungkol sa bigas, puno, prutas, klima't nayon
na dapat batid natin bawat isyu niyon

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

Yanga at kapad

YANGA AT KAPAD

mga salita itong di ko alam
na nabatid lang sa palaisipan
mga salitang dagdag-kaalaman
sa kagaya kong tagakalunsuran

salitang marahil lalawiganin
kaya kaytagal kung aking isipin
buti na lang, alam ko ang gagawin
upang tamang sagot ay makuha rin

pag sa Pahalang, di batid ang sagot
Pababa muna'y sagutang malugod
krosword ay aliwang di mababagot
tasahan lang pag lapis mo'y napudpod

masetera o PASO pala'y YANGA
at ang ANGKOP naman ay KAPAD pala
sa isang diksyunaryo ko nakita
kung anong kahulugan ng dalawa

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2024, p.10
* 17 Pahalang: Paso - YANGA; 19 Pahalang: Angkop - KAPAD
* yanga - masetera, UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.1343
* masetera - maliit na paso, UPDF, p. 766
* kapad - angkop o marapat sa isang gawain, UPDF, p.574

Pagbabasa ng pocketbook

PAGBABASA NG POCKETBOOKS

sa lumang bookstore sa sulok-sulok
nabili'y mumurahing pocketbook
serye'y binabasa't inaarok
bago ako dalawin ng antok

kinakatha ko'y maikling kwento
para sa Taliba naming dyaryo
kaya pocketbook binabasa ko
nobela'y tutunghayang totoo

inaaral ko'y pagnonobela
bago iyon, magkwentista muna
pagkat pangarap ko ring talaga
ang maging awtor at nobelista

kung may pocketbook kayo sa bahay
na nais na ninyong ipamigay
bago iyan kalugdan ng anay
sa akin na lang ninyo ialay

pangako, nobela'y kakathain
kaya pocketbook ay babasahin
estilo ng akda'y aaralin
upang nobela'y malikha ko rin

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

Sinong pipigil?

SINONG PIPIGIL?

kung walang nagbabasa sa akin
sinong sa pagtula ko'y pipigil
ang bawat isyu ay papaksain
tutula ako ng walang tigil

nais ni amang ako'y mag-aral
ng inhinyero sa pamantasan
nais ko namang tula'y maaral
upang maging makata ng bayan

nais ni inang ako'y magtapos
at itayo'y sariling negosyo
ngunit iba'y ginawa kong lubos
ang tumulong sa dukha't obrero

pag pinatula ako sa rali
entablado ko na'y ang lansangan
makata man, ako'y nagsisilbi
sa api't pinagsamantalahan

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

4 na salitang may 11 titik sa parisukat

4 NA SALITANG MAY 11 TITIK SA PARISUKAT

KAPARARAKAN
DALA-DALAHAN
KASALUKUYAN
KATALINUHAN

nakita ko kaagad ang ganda ng parisukat
na isasagot na salita'y nagsala-salabat
nagkakaugnayan sila't madaling madalumat
bagamat sa pagtugon ay sadyang napakaingat

Siyam Pahalang: Pakinabang ay KAPARARAKAN
sa Tatlumpu't Apat ay: Abastos DALA-DALAHAN
Una PababaAng ngayon nama'y KASALUKUYAN
Walo PababaKarunungan ay KATALINUHAN

madalas pag ganito ang krosword, nakalulugod
sa maghapong trabaho'y nakakatanggal ng pagod
animo mula ulo't kalamnan ko'y hinahagod
kahit ako'y parang kalabaw na kayod ng kayod

maraming salamat sa dinulot nitong ginhawa
kaya nakakapahinga ang katawan ko't diwa

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 10, 2024, p.7