Lunes, Oktubre 13, 2025

Sa sinta

SA SINTA

oo, matatag ako pagdating sa rali
subalit ako'y tumatangis gabi-gabi
tula't rali lang ang bumubuhay sa akin
minsan, nais kong kumain, di makakain

subalit ganito lang ako, aking sinta
habang patuloy na nagsisilbi sa masa
hamo, balang araw, magkikita rin tayo
pag umabot sa edad na pitumpu't pito

o marahil walumpu't walo o di kayâ
sandaang taon, kahit abutin ng sigwâ
nais ko pa kasing may nobelang matapos
tungkol sa mundo ng maralita't hikahos

kung paano gibain ang sistemang bulok
upang uring obrero'y ilagay sa tuktok
nagkakilala naman tayong ako'y tibak
na pinagtatanggol ang mga hinahamak

siyang tunay, lalagi ka sa aking pusò
ako'y ganoon pa rin naman, walang luhò
sa katawan, naaalala kitang lagi
iniibig ka pa rin ng puso kong sawi

- gregoriovbituinjr.
10.13.2025

Ang Paghahanap kay Tapat

ANG PAGHAHANAP KAY TAPAT

di ko nabili ang nasabing aklat
dahil bulsa ko'y butas at makunat
napapanahon pa naman ang aklat
pamagat: Ang Paghahanap Kay Tapat

magkakilala kami ng may-akdâ
lumipas na'y tatlong dekada yatà
ngayon, may matagumpay siyang kathâ
si Bert Banico, kaygaling na sadyâ

si Tapat ba'y mahahanap pa? saan?
sa gobyernong pulos katiwalian?
sa DPWH? sentro iyan
ng mga kickback sa pondo ng bayan

sa Senado bang sanay sa insertion?
sa Kongreso bang tadtad ng korapsyon?
sa kontraktor bang malaki ang patong?
sa kapulisang praktis na'y mangotong?

sa mga paring kunwa'y lumilingap?
sa pulitikong tuso't mapagpanggap?
sa mga kabataang nangangarap?
o sa isang mayang sisiyap-siyap?

mukhang siya'y wala sa Pilipinas
sa lupa nina Maganda't Malakas
wala noong panahon pa ni Hudas
si Tapat ba'y nasa Landas ng Wakas?

- gregoriovbituinjr.
10.13.2025

* litrato mula sa google

Paalala sakaling magkalindol

PAALALA SAKALING MAGKALINDOL

naglindol, kayâ payò ng mga kasama
ay huwag manatili sa mga gusaling
gawa ng DPWH at kontraktor
at baka mabagsakan ng kanilang gawâ

dahil sa mga ghost project ng flood control
dahil patuloy pa ring bahâ sa Bulacan
dahil sa korapsyon sa DPWH
wala nang tiwalà ang bayan sa kanila

baka nga pulos substandard na materyales
ang ginamit dahil kinurakot ang pondo
ng bayan, ibinulsa ng mga buwaya
kaya materyales talaga'y mahuhunâ

katiwalian nila'y parang tubig bahâ
hahanap at hahanap ng mapupuntahan
habang ang masa naman ay nakatungangà
walang ginagawâ, hay, walang ginagawâ

Oktubre na, wala pang nakulong na corrupt!
nganga pa rin ba pag dumating ang The Big One?
ikulong na ang mga kurakot! ikulong!
kung maaari lang, bitayin sila ngayon!

- gregoriovbituinjr.
10.13.2025

* litrato mula sa kinasapiang messenger group

Pagsisikap

PAGSISIKAP

narito pa rin akong / lihim na nagsisikap
upang tupdin ang aking / mga pinapangarap
nagbabakasakaling / may ginhawang malasap
kahit laksang problema / itong kinakaharap

kayâ patuloy akong / kumakathâ ng kwento,
tulâ, dulâ, sanaysay / bilang paghahandâ ko
upang unang nobela / ay makathang totoo
at maipalathala't / maging ganap na libro

mabuti't may Talibâ / ng Maralitâ pa rin
upang maikling kwento / ay malathala man din
dalawang pahinâ lang / kung papel ay tiklupin
Taliba'y publikasyon / nang dukha'y may basahin

salamat sa nagla-like / ng aking mga kathâ
sanaysay, dulâ, kwento, / lalo na't mga tulâ 
pagkat tula'y tulay ko / sa sambayana't dukhâ 
sa kanila nanggaling / ang sa kwento ko'y diwà

- gregoriovbituinjr.
10.12.2025