Lunes, Agosto 24, 2009

Isang Tagay sa Kasamang Nag-Bertdey

ISANG TAGAY SA KASAMANG NAG-BERTDEY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kahit mag-isa lang ay uminom ako
para ipagdiwang ang kaarawan mo
kahit wala ka'y para na ring narito
dahil nasa gunita ang larawan mo

sa iyo, binibini, dilag, kasangga
pagbati nami'y hapi bertdey, kasama
lagi ka namin ditong inaalala
lalo na akong tumatagay mag-isa

ang sabi mo nga'y wala dapat iwanan
lalo't tayo'y nasa gitna ng labanan
at tutuparin ko ang hiling mong iyan
hanggang rebo'y umabot na ng sukdulan

kaya nga pinili kong tumagay ngayon
kahit solo sa lungga ng mga leyon
habang ginugunita ang rali noon
at iniisip ang mabuti mong layon

kaytayog nitong ating pinapangarap
na halos nilampasan ang alapaap
tuloy ang laban kahit na panay ulap
nawa pagkabigo'y aking di malasap

hapi bertdey, kasama, ako ma'y lasing
ngunit isa kang aktibistang magaling
tena't tagayan ako sa munting piging
na alay sa iyo, kasama't kabig din

may mga kasiyahang walang pagsidlan
may mga sandaling pawang kalungkutan
may tuwa at lungkot, meron ding kawalan
ngunit ang mahalaga'y walang iwanan

halina't tuparin natin ang pangarap
na bagong mundo para sa naghihirap
karapatang pantao'y gagawing ganap
upang kamtin ang sosyalismong kay-ilap

- Agosto 24, 2009, sa Lunsod Quezon

Maligayang Kaarawan sa Isang Lider-Kababaihan

MALIGAYANG KAARAWAN SA ISANG LIDER-KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Pagbati ng maligayang kaarawan
Sa kasamang lider ng kababaihan
Nawa'y nasa mabuti kang kalagayan
Walang sakit o anumang karamdaman.

Isa ka sa lider kong hinahangaan
Dahil sa iyong talino't katatagan
Magpatuloy ka sa iyong sinimulan
Narito lang kami sa iyong likuran.

Kaya mithi ko sa iyong kaarawan
Nawa'y matamo mo ang kaligayahan
Lagi kang may maayos na kalusugan
Ingat ka lagi kahit ikaw'y nasaan.

Isa't isa'y di natin pababayaan
Lalaban tayo hanggang sa kamatayan
Magkasama tayong makikipaglaban
Upang sistema'y mabago nang tuluyan.

- Agosto 24, 2009, sa Lungsod Quezon

Sariling Wika'y Kakabit ng Pagkatao

SARILING WIKA'Y KAKABIT NG PAGKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kakabit na ng ating pagkatao
ng diwa natin, dugo at prinsipyo
itong sariling wikang Filipino
kaya dapat ipagmalaki ito

gamitin natin ang sariling wika
pagkat ito'y wika ng manggagawa
ito rin ang wika ng maralita
at lahat na ng narito sa bansa

kung alam mo'y wika ng ilustrado
at ayaw mong gamitin ang wika mo
aba'y nag-aasta ka palang dayo
sa sariling bansa't di Pilipino

ikinahiya mo'y iyong sarili
di ka namin dapat ipagmalaki
parang isang hunyangong atubili
na pati puri'y ipinagbibili

kung di mo winiwika ang wika mo
di sinasalita ang salita mo
ay kaybaba ng iyong pagkatao
na para bang ngumingiyaw na aso

ilandaang taon ngang inalila
ang bayang ito ng mga Kastila
kultura nati'y kanilang sinira
at pati pagkatao pa'y giniba

nang sa wikang sarili na'y magsulat
ang mga kababayan nating dilat
maraming tao'y agad na namulat
laban sa Kastilang pawa ngang bundat

pinagkaisa nila'y buong bayan
laban sa mga dayuhang gahaman
at sa iilang mga kababayan
na nagtaksil sa bayang sinilangan

ikaw'y alipin kung wala kang wika
pagkat ang pagkatao mo'y ibinaba
mapalad ka't may sarili kang wika
at di ka alipin ng ibang bansa

sariling wika'y ating pagkatao
at di mo mapapaghiwalay ito
pagkat ito'y nasa dugo na't buto
ng bawat isang mamamayan dito