ang bulong ng maya sa agilang pilantod:
bakit naman kaybaba niring sinasahod
kailangan ba naming sa iyo'y lumuhod
araw-gabi nga kami'y iyong pinapagod
aba'y sigaw agad ng agilang sukaban:
kontraktwal kasi kayo't walang karapatan
iyang amo ninyo'y kontraktor na gahaman
kaya gutom ng pamilya nyo'y pagtiisan
hilakbot ang maya sa tugon ng agila:
di ka pala agila kundi buwitre ka
na kaysaya sa pinaghirapan ng iba
kayong maypagawa'y sa iba ipinasa
agila'y sinigawan ang mayang tulala:
kami ang may-ari, wala kang magagawa
ari mo lang ay ang iyong lakas-paggawa
pagpaumanhi't isinilang kang kawawa
masama man ang loob, ang maya'y tumugon:
alam mo, di ka nariyan habang panahon
balang araw, kami rin ay makakaahon
lalo't nagkaisa kaming magrebolusyon
- gregbituinjr.