Linggo, Setyembre 28, 2025

Justice, Hindi Just-Tiis

JUSTICE, HINDI JUST-TIIS

bayan ay lagi nang nagtitiis
ang mga pagbahang labis-labis
ang masa'y naglalakad sa lusak
dahil flood control projects na palpak

masa'y nagkasakit, nagkagalis
matindi'y nagka-lestospirosis
contractor bay'y may pang-medisina?
nang lunasan ang sakit ng masa?

ang nais nitong bayan ay justice
ayaw na nilang laging just-tiis
sa nangyari'y may dapat managot
ikulong lahat ng nangurakot

ang gobyerno ba'y public service?
o ginawa nang personal business?
ilantad di lang mga contractor
kundi kasabwat nilang Senador!

sa bansa'y di dapat makaalis
ang mga lintang dapat matiris
bansa natin ay naging mapanglaw
dahil sa buwayang matatakaw

- gregoriovbituinjr.
09.28.2025

* litrato kuha sa Luneta, National Day of Protest Against Corruption (BAHA SA LUNETA), Setyembre 21, 2025

Sa aking lunggâ

SA AKING LUNGGA

ang noo ko'y kunot sa aking lungga
nagninilay sa ilalim ng lupa
naghahanda sa malawakang sigwa
diwa, pluma't gulok ay hinahasa

nabubuhay kahit nagsasalat man
sa munti kong mundo ng panitikan
tambak ang pahayagan, may aklatan
sa lunggang di ko kinaiinipan

sa sinapupunan ng laksang kwento
ay nagbuntis ang pag-aalburuto
ng masa laban sa pang-aabuso
ng mga linta, tiwali't dorobo

dapat nang managot lahat ng sangkot 
sa korapsyon nilang katakot-takot
ang ginawa nila'y nakapopoot
ang ginhawa nila'y baha ang dulot 

anang bayan, di dapat manatili
sa pwesto kahit na isang sandali 
ang trapo't dinastiyang naghahari
ikulong lahat ng mga tiwali

sa aking lungga mamaya'y lalabas
maghahanap ng pambili ng bigas
habang pangarap ay lipunang patas
at bulok na sistema na'y magwakas

- gregoriovbituinjr.
09.28.2025

Ang ibinibigay ko sa madlâ

ANG IBINIBIGAY KO SA MADLÂ

ibinibigay ko, hindi lang alay, 
ang bawat tulang nakatha kong tunay
inyo na iyan, pagkat tula'y tulay
ko saanman magtungo't humingalay

tula ko'y ibinibigay kong kusà
sa masang api, dukhâ, manggagawà,
magsasaka, vendor, babae, batà,
lalo't sila ang madalas kong paksâ

sa tula'y wala mang perang kapalit
pagkatao itong di pinagkait
inyo na iyan, sa madla'y sinambit
di ko iyan madadala sa langit

tula'y buhay ko, sa tula'y seryoso
tula'y tulay kong bigay na totoo
inyo na iyan, mula sa pusò ko
oo, tutulâ ako hanggang dulo

- gregoriovbituinjr.
09.28.2025