Martes, Abril 13, 2021

Mag-stay at home kung di magugutom ang pamilya

mag-stay at home muna ang kanilang paalala
maririnig mong sa telebisyon pa'y kinakanta
mag-stay at home muna ang kanilang propaganda
akala mo'y kaydaling sundin ng dukhang pamilya

mag-stay at home ay payo sa maykaya sa buhay
at hindi sa mga dukhang lagi nang nagsisikhay
kung di kakayod, pamilya'y magugutom na tunay
mag-stay at home ay para lang sa may perang taglay

mag-stay at home muna kung may pagkain sa mesa
at kung di nagsasamantala ang kapitalista
na bantang tanggalin ang manggagawa sa pabrika
o kaya'y gawing kontraktwal ang trabahador nila

mag-stay at home dahil sa lockdown o kwarantina
mag-stay at home muna kung may sapat na ayuda
paano kung wala, aba'y kawawa ang pamilya
kaya dapat tugunan ang problema sa pandemya

sa mga magsasaka, halina't magpasalamat
nang dahil sa kanila'y may mga pagkaing sapat
tatlong beses bawat araw ay naririyang sukat
pag-asa ng masa, tunay na bayani ng lahat

ngayon, dama nating pandaigdigan ang problema
may mga kapalpakan man ay malutas din sana
mga gobyerno nawa'y magtulong para sa masa
walang maiiwan, sana lahat ay may ayuda

- gregoriovbituinjr.

Ilang babasahing pangkalikasan

inipon ko ang ibinigay nilang babasahin
tungkol sa kalikasang dapat alagaan natin
sa mga tulad ko'y inspirasyon ito't aralin
kaya nais kong mag-ambag ng ganitong sulatin

bukod sa pagbabasa nitong mga nakasulat
ay isabuhay din natin ang anumang naungkat
at kung sang-ayon kayo sa nabasa't naurirat
halina't kumilos upang iba din ay mamulat

aralin anong dahilan ng nagbabagong klima
sa mga samahang pangkalikasa'y makiisa
kusang sumapi, kusang tumulong, kusang sumama
at itaguyod ang isang daigdig na maganda

pangarap na isang daigdig na walang polusyon
plantang coal at pagmimina'y isara na paglaon
bakit plastik at upos ay sa dagat tinatapon
bakit sa waste-to-energy ay di tayo sang-ayon

basahin ang Clean Air Act, ang Solid Waste Management Act, 
Toxic Substance, Hazardous and Nuclear Waste Control Act,
Anti-Littering, Pollution Control Law, Clear Water Act, 
bakit dapat nang tuluyang palitan ang Mining Act

inipon ko ang ibinigay nilang babasahin
tungkol sa kalikasang dapat alagaan natin
halina't ganitong sulatin ay ating namnamin
pagkat pawang may makabuluhang aral sa atin

- gregoriovbituinjr.

Tunggalian sa piketlayn

TUNGGALIAN SA PIKETLAYN

nakita ko lamang ang larawang iyon sa opis
anong ganda ng pagkakaguhit, napakakinis
tinanggalan ko ng alikabok hanggang luminis
larawan ng pag-alpas sa hirap at pagtitiis

may pamagat sa ilalim pag iyong tinitigan
nakasulat ng bolpen, "Tunggalian sa Piketlayn"
oo, pagkat iyon mismo ang inilalarawan
mga manggagawang kapitbisig na lumalaban

"Doloricon 87" nasusulat din doon
ibig sabihin, ipininta ni Neil Doloricon
aba'y higit nang tatlong dekada na pala iyon
na tunay na inspirasyon sa magpipinta ngayon

na tulad ko'y inspirasyon din ito sa pagkatha
na sama-samang nakikibaka ang manggagawa
na paabot sa atin ay mapagpalayang diwa
salamat sa larawan, sa laban ay maging handa

- gregoriovbituinjr.

Almusal ko'y pagkatha

pagkagising pa lang ay haharap na sa kwaderno
upang isulat agad ang anumang nasa ulo
upang di agad malimutan ang paksa sa kwento
kakathaing tula, sanaysay, mga kuro-kuro

bago mag-agahan, iyon na ang aking almusal
para bagang ang tula'y kape o kaya'y pandesal
habang natutulog, kung saan-saan namamasyal
ang diwa kaya pagkagising ay hihingal-hingal

kayrami kasing pinuntahan, mga nakausap
at nakikipagtalakayan habang nangangarap
madaling araw pa'y magigising, aandap-andap
ang ilawan, pupungas-pungas, mabuting maagap

kaya kwaderno'y ilalabas, magsusulat muli
ng mga danas at tahak, nagbabakasakali
malinaw pa sa diwa ang pakikipagtunggali
at ibaon sa kumunoy ang mga naghahari

- gregoriovbituinjr.