Sabado, Mayo 3, 2025

Isang buwan na ngayon sa ospital

ISANG BUWAN NA NGAYON SA OSPITAL

Abril a-Tres noong isinugod si misis
sa ospital sapagkat di na maigalaw
ang kanang kamay, braso, hita, binti, paa
na-istrok na pala, sabi ng mga doktor

aba'y ang petsa na ngayon ay Mayo a-Tres
isang buwan na pala kami sa ospital
hanggang ngayon, may kaba, pagdurusa'y ramdam
lito, naghahanap, nagugulumihanan

isang buwan din pala akong nakatira
sa ospital dahil nagbabantay sa kanya
ang asam ko'y tuluyan nang gumaling siya
habang naghahanap ng pambayad, ng pera

isang buwang singkad sa ospital na ito
matagal na gamutan pa raw na totoo
gagaling ka, lagi kong sabi sa misis ko
gagaling ka, nawa'y magdilang anghel ako

- gregoriovbituinjr.
05.03.2025

Ilang araw nang di makatula

ILANG ARAW NANG DI MAKATULA

ilang araw na rin pala akong di nakatula
planong bawat araw isang tula'y di na nagawa
ano kayang sanhi bakit di agad makakatha?
tensyonado't nasa ospital pa? natutulala?
gayong sa paligid ay kayrami ng isyu't paksa

nagtatampo ba sa akin ang musa ng panitik?
di na ba niya madama ang sa puso ko'y hibik?
dahil sa nangyari kay misis ay di makaimik?
dahil pag-usad ng pluma'y wala nang pagkasabik?
nangangayayat na't katawan ba'y tila titirik?

o dahil araw-araw ay pagod sa paglalakad
upang Guarantee Letter ay matanggap niring palad
upang maghanap ng perang sa ospital pambayad
laging pagod, mabilisang kilos, bawal makupad
ang nangyayari'y sa tula na lang nailalahad

- gregoriovbituinjr.
05.03.2025