Martes, Oktubre 28, 2025

Buwaya at buwitre

BUWAYA AT BUWITRE

di ako mapakali
sa mga nangyayari
buwaya at buwitre
pondo ang inatake

kawawa ang bayan ko
sa mga tusong trapo
ninanakaw na'y pondo
tayo na'y niloloko

sadyang kasumpa-sumpà
ang pinaggagagawâ
ng mga walanghiyâ
kayâ galit ang madlâ 

pinagsamantalahan
nila ang taumbayan
sila pang lingkod bayan
yaong mga kawatan

pangil nila'y putulin
kuko nila'y tanggalin
sistema nila'y kitlin
kahayupa'y katayin

tangi kong masasabi
ang punta ko'y sa rali
magpoprotesta kami
laban sa mga imbi

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

* litrato kuha sa baba ng Edsa Shrine, 10.24.2025

Sa bawat pagmu(muning) ginagawa

SA BAWAT PAGMU(MUNING) GINAGAWA

madalas nagmumuni kasama si Muning
pagmu(Muning) madalas gawin, tila himbing
nakapikit lang subalit ang diwa'y gising
nakatalungkô ngunit di nakagupiling

nagmumuni-muning tila nananaginip
samutsaring problema't isyu'y nalilirip
pangarap ay pag-asang walang kahulillip
nang bayang niloloko ng trapo'y masagip

mabuti't si Muning, ako'y di nakakalmot
habang kalmot ng kalmot ang mga kurakot
sa kaban ng bayan, di iyon malilimot
ng bayang binabahâ, dapat may managot

tulâ ang nililikha pagkat tula'y tulay
sa taumbayang talagang di mapalagay
kasama ko'y si Muning na alagang tunay
nasa bahay matapos sa labas tumambay

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2053436362070633

Ang punò at ang dukhâ

ANG PUNÒ AT ANG DUKHÂ

putulin mo ang punò, may nananahang luluhà
paruparo, ibon, inakay na inaarugâ
tanggalan mo ng bahay, luluhà ang maralitâ
magulang, magkapatid, may tahanang mawawalâ

puno'y may ugat, sanga, bunga, dahong malalagô
sibakin mo't kalikasan ay tiyak manlulumò
bahay ay may ina, ama, anak, pamilyang buô
tanggalan mo ng bahay, baka dumanak ang dugô

pag nawalâ ang punò, babahain kahit bundok
tiyak guguho ang mga lupang magiging gabok
pag nawalan ng bahay, di iyon isang pagsubok
kundi ginipit ng mga mapaniil at hayok

ang punò at ang dukha'y para bagang magkapilas
na bahagi ng kalikasang iisa ang landas
idemolis mo't may dadanak na dugô at katas
kaya dapat asamin natin ay lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

Klima at korapsyon

KLIMA AT KORAPSYON

gusto ko talaga ang panahong
di ako nagdadala ng payong
kundi sumbrero ang pananggalang
sa kainitang nakadadarang

ngunit nagbabago na ang klima 
ang panahon ay di na matimpla
salà sa init, salà sa lamig
tag-init ngunit nangangaligkig

damang-dama ang katotohanang
di pala climate change ang dahilan
ng pagbaha kundi ghost flood control
bulsa ng kurakot nga'y bumukol

naglipana'y buwaya't buwitre
pondo ng bayan ang inatake
ang krimen nila'y nakamumuhi
salbaheng kay-iitim ng budhi

kongresong punô ng mandarambong
senadong kayraming mangongotong
mayaman nating bansa'y naghirap
pagkat namumuno'y mga korap 

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025